Dr. Lisa Grace S. Bersales, Nanumpa Bilang Kauna-unahang National Statistician ng PSA
Nais ipabatid ni Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serquena ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Laguna na hinirang na ni Pangulong Benigno S. Aquino ang kauna-unahang National Statistician (NS) ng Philippine Statistics Authority noong ika-11 ng Abril 2014. Ito ay nasa katauhan ni Dr. Lisa Grace S. Bersales na nagpakadalubhasa sa larangan ng estadistika sa University of the Philippines (UP) Diliman, Quezon City. Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Statistics na may karangalang cum laude. Itinuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Master of Science in Statistics hanggang matapos niya ang doctoral degree sa nasabing university.
Nanumpa si Dr. Bersales sa harap ni Socioeconomic Planning Secretary at Director General Arsenio M. Balisacan ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong ika-22 ng Abril 2014 sa tanggapan ng huli sa Pasig City.
Bago hinirang na National Statistician, si Dr. Bersales ay naging Vice-President para sa Planning and Finance ng UP simula noong February 2011. Siya rin ay naging Dean ng UP School of Statistics buhat noong taong 1996 hanggang 1998 at noong 2002 hanggang 2008.
Bilang pagkilala sa kanyang mga ipinakitang kahusayan sa pagganap ng tungkulin bilang University Professor, ginawaran si Dr. Bersales ng 2013 Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Centennial Professorial Chair Award, UP Diliman Centennial Professorial Chair Award for Academic Year 2011 to 2012 at BSP Sterling Professorial Chair on Government and Official Statistics for Academic Year 2009 and 2010.
Si Dr. Bersales ay myembro ng professional societies tulad ng International Statistical Institute, International Association for Statistics Education, Philippine Statistical Association Inc., at National Research Council of the Philippines. Naging Trustee siya ng UP Statistical Center Research Foundation, Inc.
Nagsilbi siya bilang Chairman/Technical Consultant of the Technical Committee and Technical Working Group to Oversee the Seasonal Adjustment for Philippine Time Series at myembro ng Technical Committee on Poverty Statistics of the former National Statistical Coordination Board (NSCB). Gayundin, naging consultant siya sa maraming proyekto ng ahensya ng pamahalaan pambansa man o pang international tulad ng World Bank at International Labor Organization.
Alinsunod sa Republic Act No. 10625 o tinatawag na Philippine Statistical Act of 2013, ang apat na ahensya ng pamahalaan kabilang ang National Statistics Office (NSO), Bureau of Agricultural Statistics (BAS) ng Department of Agriculture, Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES) ng Department of Labor and Employment at National Statistical Coordination Board (NSCB) ay pinag-isa upang maging Philippine Statistics Authority simula pa noong ika-29 ng Disyembre 2013. Pansamatala munang pinamahalaan ang PSA ng dating NSO Administrator Carmelita N. Ericta bilang Interim National Statistician at sinundan ni NSCB Assistant Director General Lina V. Castro nang magretiro ang una. (PSA-Laguna/PIA-Laguna)
Comments
Post a Comment