Tinanggap ng gobyerno ang P32.31 bilyong halaga ng dibidendo mula sa mga ‘GOCC' |
Sinaksihan ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang pagbibigay ng dibidendong nagkakahalaga ng P32.31 bilyon buhat sa 50 Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na idinaos sa Rizal Hall ng Palasyo ng Malacanang Lunes. Sa kanyang talumpati sa 2014 GOCCs Dividends Day, binigyang diin ng Pangulong Aquino na ang mabuting pamamahala ang naging daan para lumaki ang GOCCs remittances sapul nang mapagtibay ang Batas ng Republika 10149 o GOCC Governance Act ng 2011. “Bawa’t taon, naisasabuhay ninyo (GOCCs) ang inyong tunay na layunin. Ang maging taga-pagtaguyod ng makabuluhang serbisyo at malawakang pag-unlad,” sabi ng Pangulo. “Tapos na ang panahon kung kailan ang mga GOCC ay ginamit nang iilan para pakapalin ang sariling bulsa kung saan ang mga GOCC ay ginawang tambayan at parking space ng mga kabarkada at alipores ng iilang makapangyarihan. Nagpatupad tayo ng reporma at habang umuusad ang panahon, lalo nating pinagtitibay ito; lalo nating ginagawang masigasig ang pagtatrabaho tungo sa pagbabago at lalong nagiging imposible na bumalik pa sa dating sistema,” pagbibigay-diin pa ng Punong Tagapagpaganap. Binanggit ng Pangulo na ang mga hindi kapanalig ng administrasyon niya ay agad nagsabing hindi magagawa ang mga reporma sapagka’t ang mga GOCCs ay tigib ng katiwalian. “Sa araw na ito, malinaw na malinaw: Hindi tayo katulad nila. Tingnan na lamang po natin ang kabuuang halaga ng dibidendong nailagak natin sa kaban ng bayan mula nang maisabatas ang ating GOCC Governance Act of 2011,” dagdag ng Pangulo. Ang GOCC Dividends Day ay isang taunang seremonya kung saan inihahayag at ibinibigay ng GOCCs sa pamahalaan ang kanilang kinita upang magamit sa kapakanan at kabutihan ng buong bansa. Sa taong ito, limampung mga GOCC ay nagbigay ng kabuuang P32.31 bilyong halaga ng mga dibidendo at iba pang remittances para sa 2013 kung ihahambing sa ibinigay ng 38 GCCs na kabuuang P29 bilyon noong 2012. Ang Land Bank of the Philippines ang may pinakamalaking dibidendong ibinigay na umabot sa P6.298 bilyon, samantalang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) naman ang nagbigay ng pinakamalaking kabuuang remittances na P9.791 bilyon. Ang pito pang ibang GOCCs na nagbigay nang mahigit na P1 bilyon sa dibidendo ay ang mga sumusunod: Development Bank of the Philippines (DBP). Manila International Airport Authority (MIAA), Philippine National Oi Company-Exploration Corporation (PNOCEC) at Philippine Deposit Insurance Corporation (PNOC). Ang halagang ito ay ipagkakaloob sa Pambansang Kabang Bayan (National Treasury). PND (ag/zaf) |
Comments
Post a Comment