Opisyal ng binuksan ng Social Security System (SSS) ang sangay nito sa New York alinsunod sa tungkulin ng ahensya na siguruhin ang karapatan sa social security ng mga Filipino na nasa ibayong bansa.
Matatagpuan ang SSS New York sa The Philippine Center na nasa 556 Fifth Avenue kung saan kasama nitoang Philippine Consulate General (PCG) sa New York at iba pang ahensya ng gobyerno. Ito ang ika-27th tanggapan ng SSS sa labas ng bansa. Ang mga foreign representative office ng SSS ay nasa 18 bansa kabilang dito ang mga sangay sa Los Angeles at San Francisco sa Estados Unidos, at Toronto at Calgary sa Canada na nagbibigay ng serbisyo sa mga Filipinong miyembro ng SSS na naninirahan o nagtatrabaho sa ibang bansa.
Kabilang sa mga serbisyong ibibigay ng SSS New York ay ang pagbibigay ng SS number, pagbeberipika ng datos at pagbabago ng impormasyon ng miyembro, pagtanggap ngaplikasyon sa benepisyo at pautang, at Annual Confirmation of Pensioners (ACOP). Bukas ang tanggapan mula Lunes hanggang Biyernes mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Tatanggap naman ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro ang Philippine National Bank, Ventaja, at Lucky Money Inc.
“Naniniwala kami na ang social security, bilang isa sa mga karapatang pantao ng bawat manggagawa, ay hindi dapat maging opsyonal lamang sapagkat ito ang pangunahing maaasahan ng mga manggagawa sa oras ng pangangailangan. Samakatuwid, dapat mayroong kasiguruhan na makukuha ito, lalong lalo na sa panahon ng pangangailangang pinansyal. Kasabay ng pasasabatas ng Social Security Act of 2018 ay ang pangako ng mandatory coverage para sa lahat ng sea-based at land-based OFWs sa pamamagitan ng mas pinaigting na bilateral agreements ukol sa social security at labor sa pagitan ng Pilipinas at iba’t ibang bansa sa buong mundo,” sabi ni SSS President and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio.
Ang mga Filipino na permanent migrants sa US, mga may estado bilang immigrants, naturalized/dual citizens, at permanent residents ay maaaring magpatuloy ng kanilang pagiging miyembro ng SSS o magparehistro sa unang pagkakataon bilang voluntary member. Base sa pinakabagong datos ng Department of Foreign Affairs, nasa 3.6 milyon Filipino ang naninirahan sa US. Sa kabuuang bilang na ito, 330,000 ang nakatira sa US East Coast na nasasakupan ng New York PCG na siya ring mamumuno sa SSS New York office.
Sa gitna ng mga pagkabahala ng mga grupo ng OFW sa implementasyon ng compulsory OFW coverage, ipinaalala ni Ignacio sa mga miyembro ang mga benepisyo sa pagkakaroon ng social security lalo na sa panahon ng pagreretiro. Sa kasalukuyan, halos 19,000 o 61.53 porsyento ng kabuuang bilang ng mga pensyonado na nakatira sa ibang bansa ay nasa Estados Unidos habang ang 21.95 porsyento naman ay nasa Canada at 3.96 porsyento ay nasa Australia at ang natitira ay nasa iba pang mga bansa.
“Sa bawat kontribusyon sa SSS na galing sa pinaghirapang kitain ng mga OFWs sa mahabang panahon na pagtatrabaho nila sa ibang bansa ay magdudulot ng higit na pakinabang sa kanila. Ang kanilang ipon sa SSS ang maaari nilang maasahan sa mga panahon ng pangangailangan tulad ng pagkakasakit, pagkabalda, o pagkamatay,” sabi ni Ignacio tungkol sa mga karagdagang pribilehiyo ng OFWs.
Alinsunod sa mandatory coverage ng mga OFWs, ipagpapatuloy rin ng SSS na tukuyin ang mga bansa kung saan mayroong malaking populasyon ng mga Filipino para sa posibilidad na pagbubukas ng karagdagang foreign representative offices sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa DFA at Foreign Service Posts.
“Uunahin ng SSS ang mga bansa na mayroong pinakamaraming nakabaseng Filipino upang masiguro na sila ay magkakaroon ng social security protection,” sabi ni Ignacio.
Comments
Post a Comment