Inaprubahan ng Social Security Commission (SSC) ang pagsasagawa ng isang detalyadong pag-aaral o nationwide survey ng isang third-party service provider na naglalayong matukoy ang coverage gaps, mapahusay ang social protection at mapabuti ang sistema ng social pension.
Sinabi ng SSC, ang tagapamahala ng SSS, na ang inisyatibong ito ay dinisenyo upang maisakatuparan ang hangarin ng ahensya na makapagbigay ng pangkalahatan at pantay na social protection.
“Layunin ng proyekto na tukuyin ang pangkat ng populasyon na dapat na nakatatanggap ng social security protection ngunit hindi nakatatanggap ng kahit ano,” sabi ni SSS President and Chief Executive Officer at concurrent SSC Vice Chairperson Aurora C. Ignacio.
“Kailangan natin malaman ang socio-demographic profile at antas ng kawalan ng kakayahan harapin ang mga ‘di inaasahang pangyayari tulad ng pagbagsak ng ekonomiya o mga sakuna ng mga sakop at hindi sakop ng SSS, lalo na ang impormal na sektor,” dagdag niya.
Makakukuha ang survey ng karagdagang impormasyon na natatangi sa operasyon ng SSS at hindi makikita sa mga datos ng ibang mga ahensya. Partikular na ang ibang pinagkukunan ng kita ng mga manggagawa, at socio-demographic characteristics ng mga mamamayang hindi nabibilang sa hanay ng mga manggagawa sa mga probinsya, lungsod/munisipyo, at barangay.
Aabot sa 4,000 respondents mula sa buong bansa ang mapapasama sa survey, kasama dito ang mga nasa malalayong lugar na hirap makakuha ng serbisyo ng pamahalaan.
Ang proyekto ay alinsunod sa mithiin ng Philippine Development Plan 2017-2022 at sa 10-Point Socio-Economic Agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong mapataas ang kakayahan ng mga indibidwal at pamilya na harapin ang mga biglaang problema, mapa-pinansyal man o hindi, at pagpapabuti ng social security program. (H.Consignado)
Comments
Post a Comment