Cayetano, muling magpapamahagi ng cash aid kasabay ng paglakas ng suporta para sa 10K Ayuda Bill

 

Kasabay ng paglakas ng suporta para sa 10K Ayuda Bill, nakatakdang magpamahagi si dating Speaker Alan Peter Cayetano ng P10,000 cash assistance bawat isa sa may 300 benepisyaryo sa Laguna sa Biyernes, Mayo 21, upang ipakita kung paano makatutulong ang nasabing ayuda sa pagbangon ng bansa mula sa krisis na dala ng pandemya. Ang “Sampung Libong Pag-asa” ay isang live virtual event na bahagi ng adbokasiya ni Cayetano na mabigyan ang mga pamilyang Pilipino ng tulong na salapi na maaari nilang gamitin pambili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan at muling buhayin ang kanilang mga negosyo. Ang pamamahagi ng cash aid ay ipapalabas nang live sa opisyal na Facebook page ni Cayetano. Sa paglulunsad nito noong Mayo 1, itinampok sa “Sampung Libong Pag-asa” ang mga kwento ng mga benepisyaryo na nagsabing ang halaga na kanilang natanggap ay nakatulong sa kanila na bumangon mula sa mga hirap na kanilang naranasan noong ang bansa ay inilagay sa community quarantine. Ang programa ay namahagi ng tig-P10,000 bawat isa sa halos 200 na mga benepisyaryo mula sa 13 na lungsod at lalawigan sa bansa. Inihinain ni Cayetano at kanyang mga kaalyado ang 10K Ayuda Bill noong Pebrero sa paglalayong mabigyan ng P10,000 ang bawat pamilyang Pilipino o P1,500 bawat miyembro, alinman ang mas mataas. Sa kasamaang palad, ang panukalang batas ay hindi isinama sa pinagsamang bersyon ng House Committee on Economic Affairs ng panukalang Bayanihan 3. Isinusulong ng pamunuan ng Kamara ang pamamahagi ng P1,000 lamang bawat tao, na sabi ni Cayetano ay mas mababa pa kaysa sa halagang iminumungkahi ng 10K Ayuda Bill. "May consensus naman talaga ang buong Pilipinas na kailangan ng 10K ayuda ng mga Pilipino at ito’y mabuti sa ekonomiya at ito ay mabuti sa pamilya," sabi ni Cayetano sa isang pahayag. Sa isang panayam ni Cayetano sa Bombo Radyo Dagupan, hinimok niya ang publiko na sumulat sa kanilang mga kongresista at lokal na opisyal upang i-endorso ang 10K Ayuda Bill. "Ligawan po natin ang ating mga kongresista," sabi niya. Hinimok din niya ang mga tao na i-post sa social media ang kanilang suporta para sa panukalang batas upang ipaalam sa Kongreso ang kanilang saloobin tungkol dito.

Comments