Hinikayat ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga benepisyaryo at mga tagasuporta ng Sampung Libong Pag-asa na patuloy na manawagan sa gobyerno na mamahagi ng P10,000 ayuda sa bawat pamilya.
“Ang gobyerno ay kailangan kalampagin, kasi kanya-kanyang pananaw ‘yan. Pero mapapatunayan namin sa kahit kanino na may pera at kaya itong ibigay,” sabi ni Cayetano sa programa na idinaos sa Batangas noong ika-18 ng Hunyo.
“Tulungan niyo rin kami, pero kami matigas ulo namin. Kapag tingin namin tama kami ay tuloy-tuloy ito. Kaya lang, para lahat mabigyan, kailangan gobyerno talaga,” dagdag niya.
Nagpunta sina Cayetano at mga kaalyado niya sa probinsya ng Batangas para sa programang Sampung Libong Pag-asa, kung saan namahagi sila ng P10,000 ayuda bawat isa sa 625 benepisyaryo mula sa Batangas at iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dahil dito ay umabot na sa 3,096 ang bilang ng benepisyaryo ng Sampung Libong Pag-asa mula nang inilunsad ito noong Mayo.
Sa 625 na bagong benepisyaryo, 525 ay nagmula sa anim na distrito ng Batangas na pinili sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Batangas. Ang 100 ay nagmula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na pinili mula sa comment section ng “Facebook Live” ng nasabing programa.
Nang tanungin kung bakit P10,000 ang halaga ng ipinapamahagi, sinabi ni Cayetano na sapat ito upang makabayad sa maliit na utang, makabili ng pangkain sa isang linggo, at makapagsimula ng isang maliit na negosyo ang isang ordinaryong Pilipino.
“Sa P10,000, nabayaran mo na ‘yung konti mong utang, nakabili ka na ng pagkain for one week, [at] mayroon ka [pang] pang-negosyo. So hindi natin tinuturuan mag-negosyo, pero tinutulungan natin na mag-negosyo,” sagot ni Cayetano.
“Kami, we continue to help, but we continue to remind ourselves that we can help some more,” dagdag niya.
Pag-asa
Tampok din sa programa ang mga kwento ng mga benepisyaryo mula sa unang edisyon ng Sampung Libong Pag-asa na sina Merryson Hernandez at Reynaldo de Villa.
Si Hernandez, na nagmula sa Bauan, Batangas, ay salesperson bago magkaroon ng pandemya. Nawalan siya at ang kanyang asawa ng trabaho sa kalagitnaan ng krisis, kaya naman ay walang ibang nagawa kung hindi manatili sa loob ng kanilang tahanan.
Nang matanggap ang P10,000 ayuda mula kay Cayetano at kanyang grupo ay ginamit niya ito bilang kapital sa isang maliit na negosyo kung saan siya ay kumikita ngayon ng hindi bababa sa P200 kada araw.
“Sobra pong hirap. Gawa po ng aking trabaho po ay... nawalan din ng trabaho ako, tapos po lalo na po ‘yung aking asawa. Nawalan siya ng trabaho, parehas po kami nakatambay lang sa bahay,” sabi ni Hernandez.
“Ito pong P10,000 na nakuha namin at natanggap ko ay sobra pong laking tulong [ang] naibigay sa akin, gawa po na kami ay nakapagpa-negosyo,” dagdag niya.
Si de Villa naman ay isang tricycle driver at manininda mula sa Barangay. Poblacion, San Luis, Batangas. Ginamit niya ang P10,000 ayuda para sa pagpapagawa ng kanyang tricycle at bilang kapital sa isang maliit na negosyo.
“Ginamit ko po sa tricycle po, pinagawa ko po at ‘yung konting puhunan din po eh pinaano ko po sa isda. Minsan po e natubo din po ko ng mga limang daan po,” sabi niya.
“Wag tayong mawalan ng pag-asa na nandiyan ho ang may tumutulong sa atin. Laban po lang nang laban,” dagdag ni De Villa.
Alan Sari-Sari Story Community
Samantala, sinabi ni Cayetano na sa Miyerkules, Hunyo 23, ay muli silang mamamahagi ng P10,000 ayuda kasabay ng kanilang paglunsad ng panibagong proyekto na tatawaging “Alan Sari-Sari Store Community.”
Ang Alan Sari-Sari Store Community ay batay sa programang Tapat Sari-Sari Store na unang inilunsad sa Lungsod ng Taguig at naglalayon na suportahan ang mga sari-sari store sa lungsod.
Sinamahan si Cayetano nina Taguig 2nd District Rep. Ma. Laarni “Lani” Cayetano, Batangas 2nd District Rep. Raneo “Ranie” Abu, Leyte 4th District Rep. Lucy Torres-Gomez, Batangas 1st District Rep. Elenita Milagros “Eileen” Ermita-Buhain, Batangas 3rd District Rep. Ma. Theresa Collantes, Agoncillo Mayor Dan Reyes, San Nicolas Mayor Lester de Sagun, Laurel Vice Mayor Rachelle Ogalinola,Batangas 4th District Rep. Lianda Bolilia, Batangas 5th District Rep. Mario Vittorio “Marvey” Mariño, Batangas City Vice Mayor Emilio Francisco Berberabe, Jr., Batangas 6th District Rep. Vilma Santos-Recto.
Comments
Post a Comment