Upang matulungan ang mas marami pang manggagawa sa gitna ng krisis, namigay ng pinansyal na tulong si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga jeepney driver, market associations, at magsasaka sa Pampanga noong Lunes (Hunyo 7).
Sa isang "Kwentuhan at Kumustahan" kasama ang mga benepisyaryo ng kaniyang adbokasiyang Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan (PTK), namahagi ng tig-P50,000 si Cayetano sa tatlong Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA), dalawang market association, at isang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) mula sa San Fernando at Guagua, Pampanga.
Dalawampung (20) opisyal ng mga benepisyaryong grupo ang tumanggap ng ayuda, grocery packs, at immunity kits para sa kanilang mga miyembro.
Ang mga PTK groups ay ang Angeles-San Fernando JODA (ASFERJODA), Angeles-San Fernando Compound JODA, Golden Group Gabay Puhunan Brotherhood Multi-Purpose Coop, Guagua Market Vendors Association (SAMAGU), at Guagua Zone 3 TODA.
“S'yempre ang pinakagusto mong tulungan, ‘yung mga taong tinutulungan ang kanilang sarili," pahayag ni Cayetano.
Inilunsad ng dating Speaker ang programang PTK noong 2013 upang mabigyan ng kapital ang mga kooperatiba at mga asosasyon mula sa iba't ibang panig ng bansa bilang panimula at pampalago ng kanilang hanapbuhay.
“Gawin ninyo [sa perang ito] kung ano ang tingin n’yo ay tama. Pautang man, ipambili ng bigas, et cetera,” wika ni Cayetano.
Aniya, tiwala siya sa kakayahan ng mga benepisyaryo na palaguin ang nasabing kapital tulad ng nagawa ng mga ito sa naunang bahagi nito.
Sa bandang hapon naman ay 20 magsasaka mula sa Guagua ang nakatanggap ng P10,000 ayuda sa ilalim ng programang Sampung Libong Pag-Asa.
Ayon kay Cayetano, ang P10,000, kapag ginawang ayuda sa gitna ng pandemya, ay hindi "dole-out" kaya hinikayat niya ang mga magsasaka na ilaan ang bahagi nito sa kanilang pagsasaka.
“Dapat po kasi ang farming ay negosyo eh, hindi lang ‘yan profession, hindi lang po ‘yan calling. ‘Yan po dapat ay agri-biz kasi negosyante din po kayo,” payo ni Cayetano sa mga magsasaka na matagal nang nagtitiis sa mababang presyo ng bigas at gulay sa bagsakan.
“Kapag kayo’y pinakanangangailangan tapos may success story kayo, mas marami pong nagdo-donate,” dagdag niya.
Hinimok din niya ang iba pang mga benepisyaryo na kalampagin ang gobyerno upang ipasa na ang 10k Ayuda Bill upang mas marami pang pamilyang Pilipino ang makinabang sa "direct stimulus."
“Kasi kung magbibigay tayo halimbawa ng P2,000 ngayon, sinong tatanggi? Pero yung P2,000, [pambabayad] utang mo lang yun sa sari-sari store, sa kuryente’t tubig, o kaya pang-isang linggo mong kakainin,” wika ni Cayetano.
“Pero sa P10,000 kasi, babayaran mo konting utang, mabibili mo ng phone card ang anak mo kung kailangan niya ng internet sa pag-aaral, may matitira ka pang 4 or 5,000 kung gusto mong magnego-negosyo ng konti,” dagdag niya.###
Comments
Post a Comment