Para sa Pilipino, ang pagtawa ay natural na kakambal ng paghihirap.
Kaya naman hindi kataka-taka na nang magkaroon ng get-together si dating House Speaker Alan Peter Cayetano at kaniyang may-bahay na si Taguig 2nd District Representative Ma. Laarni Cayetano kasama ang kanilang mga kaalyadong Kongresista, libo-libong mga Pilipino ang nakisaya sa kanilang Facebook livestream.
Bihira ang pagkakataong tulad nito na maka-bonding ng mag-asawa sina Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, Anakalusugan Rep. Mike Defensor, Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, at Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez.
Sa 20 minutong livestream ay nakita ang ibang side ng mga kongresista, nagbibiruan habang masayang inaanunsyo ang mga pinakabagong 175 na benepisyaryo ng Sampung Libong Pag-Asa program -- tig-25 mula sa District of Taguig-Pateros, Taguig 2nd District, Quezon City, Bulacan, Laguna, Batangas, at Camarines Sur.
Sa kalagitnaan ng livestream ay nasa 4,000 ang manunuod. Nang matapos ito, umabot na sa 30,000 ang views at 60,000 ang comments.
Sa huling bilang, nasa kalahating milyon na ang nakapanuod ng video, at nasa 100,000 na ang comment mula sa mga nagnanais mapiling benepisyaryo ng P10,000 ayuda.
Pebrero 1, 2021 nang ihain ni Cayetano at kaniyang mga kaalyado ang 10K Ayuda Bill. Ikinonsidera ito sa Bayanihan 3 ngunit ang probisyong naglalayong magbigay ng P10,000 na ayuda bawat pamilya ay hindi isinama.
Ang naaprubahang bersyon ng House ay maglalaan ng P200 bilyon para sa dalawang beses na P1,000 ayuda lamang bawat indibidwal.
Samantala, ang bersyon ng panukala ng Bayanihan 3 sa Senado ay nakabinbin pa rin sa committee level.
“One hundred ten million (110 million) Filipinos po tayo, 10 million sa ibang bansa, so tulungan po tayo," pahayag ni Cayetano habang hinihikayat ang mga nanunuod na mag-bayanihan upang malampasan ang pandemya.
Nagbabala rin siya tungkol sa mga scammer na umiikot umano para magpapirma at humihingi ng pera. Aniya, walang kailangang bayaran para makasali sa programa.
Umabot na sa 2,346 ang naging benepisyaryo ng Sampung Libong Pag-Asa program simula nang una itong isagawa ng grupo, na lubos na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa kasalukuyang krisis.
Comments
Post a Comment