Mayor Chipeco, umapela na sa COVID-19 IATF upang pahintulutan ang mga resort owners na muling makapg-operate

 


Kamakailan, inihayag ni Mayor Justin Marc "Timmy" SB Chipeco na nagsasagawa na ng kaukulang hakbang ang pamahalaang lungsod ng Calamba upang pahintulutan na ang mga private resorts partikular sa Barangay Pansol na maipagpatuloy ang kanilang operasyon.
“Umasa po kayo na ginagawa naming lahat upang matugunan ang inyong mga hinaing at nandito po kami upang bigyang solusyon ang nasabing problema,” ito ang naging pahayag ng alkalde ng lungsod ng Calamba sa mga resort owners at employees sa isinagawang pagpupulong kamakailan kasama si Department of Tourism IV-A Regional Director Michael Palispis.
Inaasahan na tuloy tuloy ang pamahalaang lungsod ng Calamba sa paghahatid ng tulong para sa mga operators gayundin sa mga manggagawa ng mga private resorts hanggang sa muling makabalik na sa normal ang sektor ng turismo ng lungsod kung saan labis itong naapektuhan dulot ng pandemya.
Samantala, binigyan naman ng assurance ni Cabinet Sec. Karlo Nograles si Mayor Chipeco na tutulong ito sa request ng alkalde na makapag-bukas na ang mga nasabing resort.
Matatandaan na nitong Mayo ay umapela ang mga resort operators kay Mayor Chipeco at sa DOT upang pahintulutan na silang magbalik-operasyon dahil lubos umanong apektado ang kanilang negosyo dahil hindi pinapayagan ang mga ito na mag-operate habang nananatili pa ang lalawigan ng Laguna sa ilalim ng maigting na general community quarantine. Apektado din higit lalo ang mga caretakers at ahente dahil ito lamang ang kanilang tanging ikinabubuhay sa kanilang pamilya.
Sa pagtatapos, namahagi naman ng food packs ang pamahalaang lungsod sa mga resort employees na nakiisa sa nasabing pagpupulong. (AFD)

Comments