Window hours, mahigpit na pinapatupad sa mga mangingisda sa Lawa ng Taal

 


Alinsunod sa "window hours" na pinapatupad ng Protected Area Management Office- Taal Volcano Protected Landscape (PAMO-TVPL), binibigyan lamang ng anim na oras kada araw ang mga mangingisda sa Lawa ng Taal upang bumalik sa kanilang mga fish cages. Ngunit ayon sa PAMO-TVPL tanging mga may-ari lamang o mangangalaga ng mga palaisdaan at mga harvesters ang pinapayagang pumalaot mula 8:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon habang nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang nasabing bulkan.
Samantala, ang Police Regional Office Region IV-A ay patuloy naman sa pakikiisa at pagresponde
sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sa isang panayam, sinabi ni OIC Regional Public Information Office Police Major Mary Anne Crestor N. Torres, na nakapag-deploy na ng higit 64 teams ng search and rescue sa dalawang high risk areas bukod pa sa mga nakatalagang personnel sa checkpoints simula pa noong Hulyo 1.

Aniya pa, bilang bahagi ng monitoring ay nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa lokal na pamahalaan ng Laurel at Agoncillo upang mabigyan ng window hours ang mga residenteng bumabalik sa kanilang lugar para magpakain ng kanilang mga alagang hayop.
“Mas better na po yung may window hours para mas namomonitor ng mga kapulisan natin yung pagpasok at paglabas sa area kaysa hindi natin sila bigyan ng window hours baka mamaya pumasok pa sila ng alanganin at hindi namomonitor,” pahayag ni Torres.###
2

Comments