Cayetano, muling tatakbo bilang Senador sa 2022

Tatakbo muli bilang Senador si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa paparating na halalan. Sa isang press conference noong ika-7 ng Oktubre, 2021 sa Senator Renato L. Cayetano Memorial Science and Technology High School, sinabi ni Cayetano na nais niyang isulong ang isang faith-based at values-centered na pamumuno sa gitna ng kasalukuyang pandemya. “It is that spirit that I feel I will be able to contribute and help if I run again for the Senate or to run as Senator for the Republic of the Philippines,” aniya. Noong unang araw ng Oktubre, matapos ang ilang buwan ng pagninilay-nilay ukol sa kanyang desisyon na tumakbo bilang Pangulo, inanunsyo ng mambabatas na hindi na niya ito itutuloy upang hindi lalong magkawatak-watak ang mga mamamayan. “Yes, it’s 100 percent true na yung mga advocacies natin ay sure nating magagawa if ang tatakbuhin natin ay pagka-Pangulo. But the reality is napaka-divisive na,” wika niya. Ipinaliwanag niya sa kanyang press conference na hindi naimpluwensyahan ng mga presidential at senatorial survey ang kanyang desisyon. “The surveys are only a picture of what’s happening today, not tomorrow. Having said that, the reality is yung tumatakbo ka kasi may magagawa ka pag nanalo ka. So kung wala kang makitang path to victory doon, sinasayang mo lang oras mo,” sabi ni Cayetano. Sinabi rin ng dating Speaker na dumidistansya na siya mula sa partidong Nacionalista at tatakbo siya bilang isang independent na kandidato. “Walang partido muna. I think it’s really a time for national unity. So, high level, nag-uusap na ang lahat ng partido at marami pa rin ang nalilito kung sino ang admin, sino ang magkasama. Bilang isang tao na matagal nang nalilito, ayaw kong lituhin pa lalo ang sarili ko,” aniya. Unang nahalal si Cayetano bilang Senador noong 2007 at natalaga bilang pinuno ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee, kung saan pinamunuan niya ang mga imbestigasyon ukol sa kontrobersyal na NBN-ZTE deal at Fertilizer Fund Scam. Sa kanyang ikalawang termino bilang Senador, nahalal siya bilang Senate Majority Floor Leader at pinuno ng Senate Committee on Rules, pati ng mga kumite sa ethics and privileges, foreign relations, at agrarian reform. *Peacemaker* Bilang isang kandidato sa pagka-senador, sinabi ni Cayetano na pagsisikapan niyang makatrabaho ang bawat kandidato sa pagka-pangulo sa paglikha ng isang post-pandemic recovery plan. “I know, mas kilala niyo si Alan na fiscalizer. Mas kilala niyo si Alan na pag mali, mali. Pag tama, tama. Di po magbabago ‘yon. Ang magbabago lang po, I will try to be the peacemaker and try to bring the presidentiables together,” sabi ni Cayetano. Sa kasalukuyan, tinatapos ng dating Speaker ang kanyang five-year recovery plan. “Hopefully po, maging open-minded yung iba’t ibang presidentiables sa five-year plan,” sabi niya. “Basically, it talks about paradigm shifts. Yung baguhin na natin yung mindset ng Pilipino na ang pwede lang yumaman ay iilan lang. Dapat yung social mobility, yung opportunity, lahat dapat meron,” dagdag pa ni Cayetano. Bukod sa five-year plan, sinabi ni Cayetano na patuloy niyang itutulak ang 10K Ayuda Bill sa mga kasamahan niyang tatakbo rin sa pagka-senador sa 2020 halalan. “We’re not giving up on it this Congress pa lang. Di ko hihintayin kung papalarin, kung sa awa ng Diyos ay aabot sa Senate,” aniya. Dagdag pa ni Cayetano, mayroon na rin siyang nakumbinsing mga kapwa kongresista upang suportahan ang panukalang ito. Tugon ni Cayetano sa mga nagtatanong kung sino ang susuportahan niyang kandidato sa pagka-Pangulo, sinabi niya na balak niya muna silang tanungin ukol sa kanilang posisyon sa iba’t ibang issues tulad ng West Philippine Sea, pagsusugal, at 10K economic stimulus.####

Comments