Reticulated python at Philippine Hawk Eagle, naiturn-over sa DENR CALABARZON Regional Wildlife Rescue Center

Calamba City, Laguna – isang Reticulated Python (Malayopython reticulatus) at isang Philippine Hawk Eagle (Nisaetus philippensis) ang naiturn-over ng DENR CENRO Real sa DENR CALABARZON Regional Wildlife Rescue Center (RWRC) ngayong Oktubre. Ang wildlife ay nirescue sa Barangay Minahan at Barangay Anoling sa General Nakar, Quezon. Ang python ay may bigat na 5.75 kilograms at haba na 160 cm. Ang Philippine Hawk Eagle naman ay isang juvenile na may bigat na .75 kilograms. Ayon sa datos ng IUCN Red List of Threatened Species, ang Reticulated Python ay nakalista bilang Least Concerned, samantala, ang Philippine Hawk Eagle naman ay kasalukuyan nang nakalista bilang Endangered species. Pagkatapos masuri ang mga hayop sa Regional Wildlife Rescue Center ay agad din itong papakawalan sa kanyang natural na tirahan. “Hangga’t maaari ay pinapakawalan agad natin ang mga narerescue na wildlife, lalo at wala itong sugat o sakit, para makaiwas sa domestication ang mga ito. Mayroon ding tayong mga technical staff sa Region at sa Rescue Center para obserbahan ang mga wildlife na natatanggap natin sa Rescue Center.” Ani DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria.
Ang Regional Wildlife Rescue Center sa Calauan, Laguna ay may 147 na ibat ibang uri ng wildlife. Ngayong 2021 ay nakapag sagawa na na iba’t ibang releasing activities para makabalik ang mga wildlife na ito sa kanilang natural na tirahan. Sa darating na Oktubre 23 ay magsasagawa ng isang releasing activity para sa apat (4) na Philippine Scops Owl (Otus megalotis), tatlo (3) na Reticulated Python, at isa (1) na Marbled Water Monitor Lizard (Varanus marmoratus) sa Binahaan River Watershed Forest Reserve (BRWFR), Pagbilao, Quezon. “Ang lahat nang mahuhuli na may ilegal na pagmamay ari ng kahit anong wildlife species na walang kaukulang permit ay kakasuhan ng paglabag ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act”, dagdag pa ni RED Tamoria. Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na makiisa sa laban para sa proteksiyon ng buhay ilang o wildlife. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369 at Trunkline No. (049) 540-DENR (3367) / (049) 554-9840 - 48 local - 121. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON: https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/. ###

Comments