Para palakasin ang pagbibigay ng legal aid sa mahihirapDAPAT MAGDAGDAG ANG PAO NG MGA ‘ABOGADO NG BAYAN’ – CHIZ


Inihayag ni Sorsogon Gov. at senatorial aspirant Chiz Escudero ang pangangailangang madagdagan ang mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) upang mabigyan ng legal assistance ang mga Pilipino na hindi kayang kumuha ng sarili nilang abogado.

 

Sinabi ni Escudero, na naging chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights mula 2007 hanggang 2013 noong siya’y senador pa, na dapat gumawa ang PAO ng mga programa upang makahikayat ng mas maraming abogado na maglilingkod sa publiko.

 

“Napakarami sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng libreng abogado mula sa PAO. Dapat itong matugunan ng pamahalaan upang masiguradong mabilis na gumugulong ang hustisya,” pagbibigay-diin ni Escudero kasabay ng kanyang pagbanggit sa isang bagong ulat na nagsasabi na 5,300 kliyente ang hinahawakan ng isang PAO lawyer kada taon.

 

“This is too much too handle,” ani Escudero na isa ring abogado, “Hindi naman mga superman at superwoman ang ating mga abogado sa PAO.”

 

Sa isang pahayag ni PAO chief Persida Acosta kamakailan, sinabi nito na mayroon silang 2,000 abogado sa buong bansa (mula sa dating 1,048 noong 2019) na nagbibigay sa mga mamamayan ng free legal assistance.

 

“Nguni’t kung titingnan natin ang buong bilang, hindi sapat ito upang mas maraming mapaglingkuran nang epektibo ang mas nakararami nating mga kababayan na walang sapat na kakayahan na kumuha ng abogado o makapag-kunsulta man lang,” ayon kay Escudero na kumakandidato sa 2022 national elections para sa bagong termino sa Senado.

 

Binigyang-diin pa ng dating senador na dapat hati-hatiin ang mga PAO lawyer base sa dami ng mga kaso sa mga Regional Trial Court branch upang masolusyunan na ang mga nakabinbing kaso. #


Comments