Sinabi ni senatorial aspirant at Sorsogon Gov. Chiz Escudero na dapat magkaroon ng karagdagang suweldo at benepisyo ang lahat ng empleyado ng pamahalaan, kontratuwal man o permanente, kung may gagawing bagong batas para sa panibagong pagtaas ng suweldo ng mga nagtatrabaho sa gobyerno.
Nagkabisa nitong Enero ang Salary Standarization Law (SSL) 5 kung saan tumaas ang suweldo ng mga civilian personnel ng gobyerno na naka-plantilla subalit hindi kasali rito ang mga naka-job order, kontraktuwal, at temporary.
“Kung may batas mang gagawin, dapat isaklaw o isama ang temporary, job order at contractual workers dahil sa totoo lang, sa pananaw ko, pareho lamang ang ginagawang trabaho ng contractual and job order at ng permanente,” ani Escudero.
“Ngayong panahon ng pandemya, hindi puwede na may mga piling kasali lang at may mga etsapuwera o iyong may mga dagdag-suweldo at iyong mga wala. Kung may agwat sa kanilang kinikita, pag-abutin sana ito at huwag na sanang palawakin pa ang agwat,” pagbibigay-diin ng beteranong mambabatas.
Ayon sa numero noong Agosto 2021 mula sa Civil Service Commission (CSC), may naka-job order (JO) at contract of service (COS) na 582,378 empleyado.
Naniniwala ang dating senador na makakaya naman ng gobyerno na hanapan ng taunang pondo ang pagsasama sa mga di-permanenteng posisyon sa mga karagdagdang suweldo at benepisyo.
“Nais ko na bigyan ng tamang kompensasyon at pagkilala ang kanilang binibigay na sakripisyo at pagiging bayani lalo na sa panahong ito ng pandemya. Kung ang sasabihin nila (gobyerno) na kulang at walang pera, hindi ako naniniwala doon. Kung may pera nga para bumili ng ilang kagamitan na hindi kailangan, may pera din dapat sila para sa tunay na naaasahan sa panahon ng pandemya,” pagbibigay-diin niya.
Nilalaman ng Republic Act 114661 o ang “Salary Standardization Law of 2019” ang mga karagdagang suweldo at benepisyo na ibibigay ng apat na bagsak na nagsimula na noong 2020 at matatapos hanggang susunod na taon at ito’y mapapakinabangan ng 1.6 milyong empleyado ng gobyerno na naka-plantilla.
Maliban sa karagdagang suweldo at benepisyo, sinabi ni Escudero kung maaari ring pag-aralan ng pamahalaan na gawing permante ang mga JO/COS, lalo’t kung maraming taon na silang nagtatrabaho sa gobyerno at mataas naman ang kanilang performance rating na aniya’y puwede ring pag-aralan ng CSC bilang mga pamalit sa kahingiang pasadong civil service exam.
Samantala, inihayag ng gobernador ng Sorsogon na sinimulan nang ipatupad ng kanyang administrasyon ang isang budget circular na nagsasaad ng pagtaas ng suweldo ng mga nurse sa pampublikong ospital bilang pagtugon sa ikatlong bagsak ng SSL 5 na epektibo na ngayong buwan. #
Comments
Post a Comment