Para sa agad na pagbangon ng ekonomiya matapos ang pandemya CHIZ: DAPAT LUMIKHA NG MAS MARAMING TRABAHO GALING SA P1.8-T BUILD, BUILD, BUILD PROGRAM

Hinihimok ni senatorial aspirant at kasalukuyang Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero ang pambansang gobyerno na magtakda ng mas mataas na target sa paglikha ng trabaho sa pamamagitan ng programa nitong Build, Build, Build na mayroong pondong P1.18 trilyon ngayong 2022 o mahigit 20% ng national budget ng kasalukuyang taon.

 

Binigyang-diin ni Escudero na ang nasabing halaga ay katumbas ng 5.3% ng gross domestic product ng Pilipinas at marapat lamang na gamitin sa pagsusulong ng ekonomiya upang agad na makabangon ang bansa matapos ang pandemya.

 

“Kasabay ng ating patuloy na paglaban sa COVID-19 ang pagsusulong ng pagbangon ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng paggastos at paghikayat ng mga bagong puhunan at negosyo. Ang gobyerno ang numero unong tagapagbigay ng trabaho at kayang-kaya nitong makapagbigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino sa pamamagitan ng Build, Build, Build,” ani Escudero.

 

Ayon sa isang ulat Philippine Statistics Authority noong isang taon, tinatayang halos 4.2 milyong Pilipino ang walang trabaho at nasa 7.9 milyon naman ang nabawasan ang kanilang sinusuweldo dahil umikli ang oras ng operasyon ng kanilang mga pinagtatrabahuhan dahil sa pandemya.

 

“Puwede sigurong isali sa Build, Build, Build projects for 2022 ang pagtatayo ng military and supply infrastructures sa Ayungin Shoal. That would be hitting two birds with one stone. Nakapagbigay ka na ng trabaho, naipaglaban mo pa ang ating soberenya sa West Philippine Sea,” aniya.

 

Makikita sa 2022 National Expenditure Program na mapupunta sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang P336 bilyon para mga proyektong nasa ilalim ng Build, Build, Build habang P127 bilyon naman ang mapupunta sa Department of Transportation.

 

Ayon sa DPWH, nasa 6.5 milyong trabaho ang nalikha ng kanilang kagawaran sa pamamagitan ng Build, Build, Build projects simula 2016 hanggang 2020 kung saan may minimum na suweldo ang mga manggagawa. #

Comments