Sinabi ni senatorial aspirant at Sorsogon Gov. Chiz Escudero na matutugunan ng gobyerno ang lumolobo nitong pagkakautang sa mga retiradong Military and Uniformed Personnel (MUP) kung mayroon itong masasandigang isang maayos na pension system.
Binigyang-diin ng beteranong mambabatas na obligasyon ng pamahalaan na maibigay sa mga nasabing retirado ang nararapat para sa kanila sang-ayon na rin sa batas at bilang pagkilala sa inialay nilang serbisyo para sa bansa at mga mamamayang Pilipino.
“Obligasyon ng pamahalaan ang pagbibigay ng buwanang pensiyon kasama na ang karagdagang halaga dahil ipinangako natin iyan sa ating mga kasundaluhan at sa ating uniformed personnel. Bagamat napakalaking responsibilidad iyan dahil sa mahabang panahon ay iyan ay nanggagaling sa taunang budget, marapat pa rin na makahanap tayo ng paraan upang tupdin ang ipinangako,” pagbibigay-diin niya.
Ayon mismo sa Government Service Insurance System (GSIS), ang MUP pension system ay mayroon sa ngayong unfunded reserve deficit na nagkakahalaga ng P9.6 trilyon at base sa kasalukuyang iskema, kakailanganin nito ng P848.39 bilyon taon-taon para lang masustine ito sa susunod na 20 taon.
“Sa mahabang panahon, iyan ay nanggagaling sa taunang budget. Hindi tulad ng mga civilian employees na nanggagaling sa GSIS kung saan ay may sapat na actuarial studies, kung saan hindi kada taon na kailangang bumunot ng pamahalaan mula sa national budget upang pambayad ng pension katulad ng mga nagretirong kasundaluhan natin,” anang dating senador.
“Matagal na naming sinusubukan na isaayos iyan pero bago namin naisaayos iyan, pinataasan pa ni Pangulong Duterte muli ang suweldo ng ating mga kasundaluhan at uniformed personnel na kung saan ay nakabase diyan iyong pensyon ng mga retirado,” ani Escudero habang inaalala ang pag-aksiyon nila noon nang siya’y senador pa.
Sa ilalim ng kasalukuyang iskema, ang mga MUP ay hindi kailangang magbayad ng kontribusyon para sa kanilang pensiyon, hindi tulad ng ibang empleyado ng gobyerno, dahil sinasagot na ito ng gobyerno mula sa pondo nito taon-taon
Noong 2020, matatandaan na humingi ng pang-unawa ang Department of National Defense sa mga retiradong MUP dahil sa pagkakaantala ng labas ng kanilang dagdag-pensiyon para sa taong 2018 at idinahilan ng kagawaran na kasalukuyang nakatuon ang pera ng pamahalaan sa paglaban sa pandemya.
Maliban sa militar, kabilang din sa MUP ang mga tauhan ng Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at National Mapping and Resource Information Authority.
Sa kasalukuyan, may nakabinbing sa Senado at Kamara ng mga bersiyon ng MUP Pension Reform Bill na kabilang sa mga panukalang batas na prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte. #
Comments
Post a Comment