LENI SA MGA BOTANTENG PINOY: IBALIK SI ESCUDERO SA SENADO




Hinimok ni Vice Pres. Leni Robredo noong Miyerkules ang mga botanteng Pilipino na ibalik sa Senado si Sorsogon Gov. Chiz Escudero kung ninais nila ng isang mambabatas na may karanasan at magandang track record bilang isang lingkod-bayan.
Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng tambalang Robredo-Pangilinan tandem sa Sorsogon Gymnasium Miyerkules ng umaga, sinabi ni Robredo na napakaraming magagawa ni Escudero para sa mga mamamayan kapag nahalal uli itong senador.
“Ang pagbabalik niya sa Senado ay malaking bagay dahil noong siya ay senador pa, alam naman ng lahat na si Senator Chiz ay isa sa mga pinakamatibay na mambabatas. Actually, whether governor siya or senator, dahil sa kanyang mga nagawa, laging bentahe para sa ating bansa,” ani Robredo sa wikang Bikolano.
Kanya ring inilarawan si Escudero, na isang guest senatorial candidate sa Angat Buhay senatorial ticket, bilang isang tunay na pinuno na isinasaintabi ang politika at handang makipagtrabaho sa kaninuman upang maisulong unang-una ang kagalingan ng bansa at mga Pilipino.
Ibinihagi pa ni Robredo na nang manalo siyang Bise Presidente noong 2016, lumapit at nag-alok sa kanya ng tulong ang beteranong senador, na kanya mismong nakatunggali sa nasabing halalan, sa kung papaano epektibong magagawa ng Office of the President (OVP) ang mga tungkulin nito sa kabila ng limitadong pondo.
“Malaki po ang utang na loob ko kay Governor Chiz. Hindi niya po ito nakukwento pero noong ako ay naging Vice President . . . tinulungan niya ang OVP,” ani Robredo.
“Hindi naman kaila na naglaban po kami ni Governor Chiz noong 2016 pero pagkapanalo ko, siya ang nag-reach out. Noong nagsisimula pa lang ako bilang VP, siya po ang tumulong sa opisina na makahanap ng mapagkukunan ng pondo para sa aming mga programa,” aniya.
Pinapurihan din ng Bise Presidente si Escudero dahil sa magandang transpormasyon ng Sorsogon kahit may pandemya na nagawa ng dating senador sa loob ng wala pang tatlong taon dahil 2019 lamang ito naging punong ehekutibo ng probinsiya.
“Ibang-iba na ang Sorsogon ngayon. Napakaganda po at naisulong ninyo ang pagbabago dahil kayo ay nagdesisyong magkaisa dito sa pamumuno ni Governor Chiz. ‘Pag malinis ang pamamahala at nagkakaisa, marami kayong magagawa. Iyan din ang ipinaglalaban natin na maisulong ang kultura ng isang malinis, matapat at maayos na pamamahala para sa buhay na angat ang lahat. Nakita natin iyon dito sa Sorsogon,” ani Robredo.
Bukod sa Robredo-Pangilinan ticket, si Escudero ay kinuha rin sa senatorial slates ng mga tambalan nina Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza.
Ang kandidatura para sa Senado ni Escudero, na palaging nangunguna sa iba’t ibang pre-election survey, ay inenderso na rin ni UniTeam vice-presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte, ng Magdalo Party-list, at ng mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP.

Dolores Ledesma and 3 others
1 share
Like
Comment
Share

Comments