Mga siklista sa Laguna umarangkada para kay Cayetano

 


Nag-ikot nitong Lunes ang ilang siklista sa mga kalsada ng Laguna bilang pagpapakita ng suporta sa pagbabalik-Senado ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.

Alas-sais ng umaga nang magsimulang pumadyak ang grupo mga siklista at dumaan sa mga pangunahing kalsada ng Sta. Rosa, Biñan, at San Pedro. 


Lumahok din sa bike caravan si Danzel Fernandez, isa sa mga kandidato sa pagka-Board Memberl ng Unang Distrito ng Laguna, na kilala ring siklista at fitness enthusiast. 

Walang dala kahit isang lobo, ribbon, o poster ang mga taga-suporta ni Cayetano maliban sa campaign jingle na pinatugtog sa kabuuan ng bike caravan.

Matatandaang inilunsad ni Cayetano noong Pebrero 8 ang kanyang eco-friendly campaign para sa Halalan 2022. Hindi siya nagsagawa ng motorcade simula pa ng kampanya.

Hinimok lang niya ang kanyang mga taga-suporta na magtanim ng puno, mangrove, o urban garden at gamitin ang social media sa pagpapakita ng suporta imbes na gumamit ng mga naka-imprentang materyales na dadagdag lamang aniya sa maiipong basura pagkatapos ng kampanya.

Ipinakita rin ni Fernandez ang pagsuporta kay Cayetano sa pamamagitan ng pag-post nito ng live video ng buong caravan sa kanyang opisyal na Facebook account. ###

Comments