One-stop-shop para sa pets CHIZ: MAY MGA BAGONG PASILIDAD ANG SORSOGON PARA SA PANGANGALAGA SA MGA HAYOP
Inanunsiyo ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero na binuksan sa probinsiya ang tatlong bagong pasilidad para sa paggamot, pag-test, at pagkupkop sa mga hayop bilang parte ng pakikiisa ng pamahalaang panglalawigan sa pangangalaga at pagsusulong ng kapakanan ng mga hayop alinsunod na rin sa Animal Welfare Act.
Matatagpuan sa isang compound sa Bgy. Cogon, Juban ang mga bagong pasinayang Provincial Veterinary Office, Animal Shelter Building, at Animal Diagnostics Laboratory na one-stop shop para sa pets ng animal lovers at kabilang sa mga serbisyo rito ang diagnostic tests, pharmacy, African Swine Fever (ASF) laboratory test, surgery, animal shelter and isolation, at consultation.
“Kaisa ang Sorsogon sa layong protektahan ang mga karapatan ng mga hayop alinsunod sa RA 8484 o ang Animal Welfare Act of 1998 at RA 10631 na nag-amyenda naman sa ilang seksyon ng orihinal na batas,” ani Escudero sa inagurasyon ng mga pasilidad kamakailan.
Parehong sinuportahan ng beteranong mambabatas ang pagpasa ng naturang dalawang batas nang siya’y kinatawan ng Sorsogon noong 1998 at nang siya’y senador noong 2013 kung kailan naman ginawa ang pag-amyenda.
“I thank my team in the provincial government for completing this undertaking at the soonest possible time. Siempre, pagpapasalamat rin sa aking asawa, na kasalukuyang PAWS (Philippine Animal Welfare Society) spokesperson sa bansa, dahil sa kanyang todong pagsuporta sa nasabing proyekto and for agreeing to be one of its patrons,” dagdag ni Escudero.
Batid ng publiko na ang gobernador at ang kanyang maybahay na si celebrity and brand ambassador Heart Evangelista ay may mga alagang “aspins” (asong Pinoy) at “puspins” (pusang Pinoy) kung kaya ang proyekto ay napakalapit sa puso nilang dalawa.
“Hindi naman sa inyo kaila na bukod kay Panda na isang ‘aspin’ ay marami kaming mga alagang aso at pusa sa bahay. Bahagi na sila ng aming pamilya. Kaya para sa katulad nating mga animal lovers, para po sa inyong mga alaga ang bagong shelter and diagnotics laboratory na ito,” ani Escudero na kumakandidato sa pagkasenador ngayong Halalan 2022.
“Hindi lamang tao ang binibigyan naming ng pagkalinga. Hayop man, kailangan nila ng pagmamahal at tamang pag-aaruga,” dagdag niya.
Sa kanyang video message, sinabi ni Heart na ikinalulugod niya na sa wakas, ang Sorsogon ay mayroon nang sariling animal shelter at animal diagnostics laboratory sa ilalim ng pamamahala ng Office of the Provincial Veterinarian.
“Noong bago pa lamang na nanunungkulan si Gov. Chiz, nabanggit ko sa kanya na gusto kong magtayo ng isang animal shelter. Hindi na pala kailangan sapagkat nasa plano na ito ng Office of the Veterinarian at kailangan lang ng suporta upang makapagpatayo ng gusali,” ani Evangelista na nagsabi pa na kanyang susuportahan ang proyekto at magiging patron nito. #
Comments
Post a Comment