Cayetano isusulong ang pagkakaroon ng kumpletong pangunahing serbisyong panlipunan sa bawat barangay
- Get link
- X
- Other Apps
Itutulak ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagkakaroon ng kumpletong pangunahing serbisyo sa bawat barangay kung mahahalal siya bilang senador sa eleksyon sa Mayo.
“Bakit hindi natin gawin sa national ‘yan? Magpasa tayo ng batas na may checklist [ng basic necessities],” pahayag ni Cayetano habang isinasagawa ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas ang Clustered General Membership Assembly and Presentation of 2022 LBP Constitution and By-Law nitong Marso 17, 2022.
Wika niya, ipapanukala niya sa Senado ang pagbuo ng isang “national minimum basic necessity checklist” o listahan ng lahat ng pangunahing serbisyong panlipunan na dapat mayroon sa bawat barangay.
Kasabay nito ay ang pagmumungkahi na bigyan ng 10K Ayuda ang bawat barangay at iba pang tulong-pinansyal na ipamamahagi gamit ang makabagong teknolohiya.
Ayon kay Cayetano, kapag awtomatiko nang may serbisyong medikal at panlipunan sa bawat barangay, mapagtutuunan na ng pansin ng mga pamahalaang barangay ang iba pang aspeto ng pagpapatakbo ng kani-kanilang komunidad tulad ng kapayapaan at kaayusan. Ito ay katulad sa ginagawa sa Taguig, dagdag niya.
“Kung maipapasa natin sa Senado na lahat ng barangay may health center, lahat ng barangay may opisina, lahat ng barangay ay mayroong daycare, etc., hindi niyo na pro-problemahin y’un,” pahayag ng dating Speaker, na ngayon ay kumakandidato para sa pagbabalik-Senado ngayong eleksyon.
“Kung lahat ng lugar may tubig, may kuryente, at may internet na libre, hindi na kayo mahihirapan. Y’un ang ibig namin sabihin sa tulungan,” dagdag niya.
Bida pa ni Cayetano, ang mga gamot pang-maintenance para sa mga Taguigeño ay inihahatid mismo sa kani-kanilang mga bahay buwan-buwan, may mga clinic sa mga paaralan na sumusubaybay sa kalusugan ng mga estudyante, at mayroong tatlong malalaking health center na bukas 24/7.
Mayroon din aniyang mga katulad na programa para sa matatanda, mga person with disabilities (PWDs), at iba pang mga sektor sa lungsod.
“We’re not helpless. Napakalaki ng budget ng gobyerno,” pahayag niya.###
- Get link
- X
- Other Apps
Comments
Post a Comment