Cayetano sa DepEd laptop issue: Dapat ipakita natin sa mga bata na ‘crime does not pay’

 


Muling umapela si Senador Alan Peter Cayetano noong Lunes na imbestigahan na ng Senado ang isyu tungkol sa pagbili ng Department of Education (DepEd) ng umano’y overpriced na mga laptop na dapat sana ay gagamitin ng mga guro bilang bahagi ng remote learning program ng ahensya sa gitna ng pandemya. “How can we teach our kids that crime does not pay kung pagbukas nila ng TV eh halos kapresyo ng MacBook Air ang laptop na binili para sa teachers nila?” wika ni Cayetano sa isang press conference bago magsimula ang sesyon sa Senado noong August 15, 2022. Sinabi rin niya na hindi tugma ang mataas na presyo at mababa na specifications ng nasabing mga laptop. "Kung walang tinatago, walang mawawala sa isang imbestigasyon. Malalaman agad ng tao kung ito ba ay dahil sa bureaucratic red tape, o may nagkamali, or may nangorap ba dito?" dagdag ng senador. Kasabay nito, sinabi ni Cayetano na naniniwala siyang walang kinalaman si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing isyu. "I have full faith na walang kinalaman si PRRD sa mga laptop na ‘yan dahil alam kong hindi nakikialam siya sa mga ganyan. Too trivial na para pakialaman niya pa," ani Cayetano. Inihain ng senador ang Proposed Senate Resolution No. 134 noong August 11, 2022, kung saan hinihiling niya sa Senate Blue Ribbon Committee na imbestigahan upang makatulong sa paglikha ng batas ang pagkuha ng DepEd ng umano’y overpriced na mga laptop sa pamamagitan ng Department of Budget and Management Procurement Service (DBM-PS). Sa nasabing resolusyon, kinwestyon ni Cayetano kung bakit tila masyadong mahal ang mga laptop na nakuha ng DepEd kung ikukumpara sa mga specification ng mga ito, at sinabi pang mabagal at luma na ang mga entry-level processor na nakapaloob sa kanila. Pinunto niya rin na may siyam na buwang delay sa pagbili ng mga laptop, gayong maagap namang naaprubahan ang budget na gagamitin para dito sa ilalim ng Bayanihan II. Naaprubahan ang pondong pambili sa mga laptop noong September 2020, ngunit nabili lamang ang mga ito noong June 2021 at naibigay sa mga public school teachers noong August ng taong iyon. Sinabi ng dating House Speaker sa mga reporter na ang imbestigasyon sa DepEd laptop procurement issue ay magiging magandang test case para sa Blue Ribbon Committee dahil ayon sa ulat ng Commission on Audit tungkol dito, mas kaunti ang mga ahensya at mga indibidwal na sangkot sa nangyaring transaksyon kumpara sa mas malaking Pork Barrel Fund scam na umalog sa administrasyong Aquino noong 2013. "My point is this is a very good first case for the Blue Ribbon Committee because it is simple. Kung mayroong anomalya, we can hold someone accountable para maipakita sa tao na hindi ito lulusot,” ani Cayetano. “Kung hindi natin ito maayos, magkakalakas ng loob ang iba dahil napakasimple na nga ito, nakakalusot pa,” dagdag pa niya. #

Comments