Dasmarinas, CAVITE - Muling nagsagawa ang Social Security System (SSS) ng Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign noong Agosto 26 para bisitahin ang mga employers na patuloy pa ring lumalabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.
Ayon kay SSS Dasmarinas Branch Head Leticia M. Del Barrio, ang ilan sa mga establisyimentong binisita ay hindi nakarehistro sa SSS samantala ang iba naman ay hindi nakapagbayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado. Inisyuhan sila ng liham upang abisuhan ang mga ito sa kanilang susunod na mga hakbang para tuparin ang kanilang mga obligasyon sa SSS.Sa kabuuan, nasa P7.3 milyon ang kailangang bayaran ng mga ito para makatanggap ng benepisyo at pribilehiyo ang kanilang 166 na empleyado.
“Bibigyan namin sila ng 15 araw para mag-comply sa SSS. Sa kasalukuyan, pinapayuhan namin sila na i-avail ang Pandemic Relief and Restructuring Program 3 para unti-unti nilang mabayaran ang lumipas nang kontribusyon ng kanilang empleyado,” paliwanang ni del Barrio.
Ang PRRP 3 ay nag-aalok ng Enhanced Installment Payment mula siyam hanggang 60 buwan, depende sa halaga ng kanilang delinquency sa SSS. Pinayuhan ang mga employers na magtungo sa SSS Dasmarinas branch na matatagpuan sa 2/F Central Mall, Brgy. Salitran 2, Aguinaldo Highway upang matulungan sila ng Account Officer sa records reconciliation at maasistehan sa aplikasyon.
“Kung matapos ang itinakdang 15 araw at wala pa rin silang ginawang aksyon, irerefer na namin sila sa Legal Department para sampahan ng kaukulang kaso. Kaya naman hinihikayat namin ang mga delingkwenteng employers na seryosohin ang aming abiso at magkusang-loob na makipag-ugnayan sa amin,” dagdag ni del Barrio.
Ang paglabag sa Social Security Act of 2018 ay may kaakibat na anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taon na pagkakakulong at multa na P 5,000 hanggang P20,000.
Pinayuhan din ni del Barrio ang lahat ng employed members na gumawa ng kanilang sariling My.SSS Account para personal nilang i-check ang kanilang contribution at loan records upang siguraduhing nahuhulugan ang kanilang kontribusyon at loan sa takdang oras. ###
Comments
Post a Comment