Lola Gregoria sa Mulanay Quezon, Nakatanggap ng PHP100,000 Pesos dahil sa kanyang edad na isang daan!



 Nakatanggap si Lola Gregoria Valdepeña Alvarez ng isang daang libong piso dahil sa kanyang edad na isang daan o centenarian.

Si Lola Gregoria ay residente ng Brgy. F Nanadiego, ipinanganak noong ika-22 ng Oktubre, 1922 sa Brgy. Poblacion 2, kilala sa bansag na “Petang”, napangasawa si Lolo Fortunato Linong Alvarez at biniyayaan sila ng anim (6) na anak.

Kabilang ito sa mga programa ng pamahalaan ng Mulanay na bigyang kahalagahan ang ating mga Lolo at Lola na umabot sa ganung edad. Inihayag ng LGU Mulanay na makalipas ang tatlong taon ay muling nagparangal ang MSWDO ng bayan ng isang centenarian kaya't isang pambihirang pagkakataon ito dahil naabot ang pinapangarap ng karamihan. Ayon kay Gng. Consorcia Alvarez Loreto, natitirang anak ni Lola Petang, pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng kanilang pamilya at batak sa gawaing pambukid katulad ng pagtatanim at paggagamas ng damo si Lola Petang noong siya ay malakas pa. Ayon rin sa kanya, mahilig kumain ng gulay at a-uy (kamote at balinghoy) si Lola Petang na maaaring dahilan kung bakit naabot niya ang kanyang edad sa kasalukuyan. Bukas ay ipagdiriwang ni Lola Petang ang kanyang ika-100 kaarawan at sa kabila ng katandaan ay nakakapaglakad pa at nakakapagsalita nang maayos si Lola Petang. At bilang pagkilala, siya ay ginawaran ng pinansyal na insentibo buhat sa DSWD, Pamahalaang Panlalawigan, at Lokal na pamahalaan ng Mulanay kaalinsabay ng pagdiriwang ng National Filipino Elderly Week. Si Lola Petang ay isang inspirasyon sa mga Mulanayin na mapanatiling malusog at malakas ang pangangatawan. Ayon naman sa hepe ng MSDWO, G. Gerald Dimaano, inaasahan na isang centenarian pa mula sa Poblacion 2 ang pararangalan at kikilalanin sa susunod na taon. I Via JR Narit

Comments