MONTHLY CEILING NG LOAD ALLOWANCE PARA SA DEPED EDUCATION OFFICIALS, TINAASAN

 


Tinaasan ng Department of Education (DepEd) ang monthly ceiling ng load allowance para sa mga opisyal sa gitna ng epekto ng COVID-19 sa paghahatid ng serbisyo sa larangan ng edukasyon.

Sa inilabas na DepEd Order Number 2, series of 2023 na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, binigyang-diin na mahalaga ang paggamit ng messaging applications at virtual meeting platforms sa panahon ng pandemya.

Ipinaliwanag ni VP Sara na kailangan ang mas higit na mobile data inclusion upang mabilis na maipaabot ang datos at impormasyon at magkaroon ng napapanahong pagpapasya.

Nakasaad sa inamyendahang probisyon na ang Undersecretary ng DepEd ay bibigyan ng monthly ceiling na ₱8,000 para sa postpaid line at prepaid.

Nasa ₱7,000 naman sa Assistant Secretary, ₱6,000 sa Director IV, ₱6,000 sa Regional Director, at ₱4,000 sa Schools Division Superintendent.

Samantala, ₱1,500 ang monthly ceiling para sa mga pinuno ng paaralan o principal.  | Via News Source: Radyo Pilipinas

Comments