Daan-daang sari-sari store owners sa CamNorte, natulungan ng programang pangkabuhayan ng mga Cayetano
Bilang bahagi ng pagsisikap nilang palakasin ang micro at small business sa mga probinsya, nagbigay ngayong linggo sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano ng karagdagang kapital sa daan-daang sari-sari store owner sa Camarines Norte sa ilalim ng flagship program ni Senator Alan na 'Sari-saring Pag -asa' (SSP).
Sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), namahagi ang mga tanggapan ng dalawang senador ng tig-P3,500 na cash aid sa 300 may-ari ng sari-sari store mula sa iba't ibang panig ng lalawigan.
Sinimulan ni Senador Alan ang SSP noong 2021 bilang tugon sa krisis sa mga maliliit at malalaking negosyo na dulot ng COVID-19 pandemic.
Isinagawa ang pagbibigay ng tulong sa Labo, Camarines Norte sa pangangasiwa ni Camarines Norte 1st District Rep. Josefina Tallado kasama ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Hinimok ni Tallado ang mga beneficiary na gamitin nang wasto ang tulong na ibinigay sa kanila. Si Tallado ay anak din ng isang sari-sari store owner.
“Y’ung tatanggapin po natin ngayon, gamitin natin sa pangkabuhayan natin, pandagdag sa inyong paninda para tuloy-tuloy ang inyong tindahan,” wika niya.
“Gamitin natin nang tama ang tinatanggap nating tulong mula sa gobyerno. Kami po ay instrumento lamang para makatulong sa inyo,” dagdag niya.
Nangako naman ang mga nakatanggap ng cash aid na gagamitin nila ito bilang kapital para sa kanilang negosyo.
Isa dito si Derica Periera na mula sa munisipalidad ng Santa Elena, Camarines Norte. “Isa po kami sa pinakamalalayong lugar subalit kami po ay naabot ng programang ito. Kami po ay buong pusong nagpapasalamat kina Senator Alan Peter Cayetano at Senator Pia Cayetano,” sabi niya.
Ipinahayag ni Tallado ang kanyang buong tiwalang ipagpapatuloy ng mga Cayetano ang kanilang koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng Camarines Norte.
“Sabi nga po ni Senator Alan at Senator Pia, simula pa lang po ito ng patuloy na pagbibigay sa atin ng mga programang ganito,” aniya.###
Mga ka Ronda, please Share, Like and Follow us on Facebook page
#RondaBalitaPilipinas #rondabalitapilipinas
Comments
Post a Comment