Mga Opisyal ng Camp Vicente Lim Press Corps-Calabarzon, nanumpa sa kanilang tungkulin

CAMP VICENTE LIM, Laguna - Pinangunahan ni Brig. Gen. Gregory Bogñalbal, Deputy Regional Director for Administration ng Police Regional Office Region 4-A, ang seremonya ng panunumpa sa tungkulin ng mga bagong opisyal ng Camp Vicente Lim Press Corps (CVLPC) nitong Miyerkules, Marso 15, 2023 sa Multipurpose Hall.

Sa mensahe ni Nartatez, na ipinaabot ni BGen. Bogñalbal, sinabi niyang ang media tulad ng CVLPC ay mga kaagapay ng Philippine National Police sa pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko para sa pagpapalawak ng kapayapaan at seguridad.

Sa mensahe ni Laguna Vice-Governor Karen Agapay, na dating nagtrabaho sa larangan ng media, ay nagsabing kinikilala ang kalayaan ng pagbabalita ngunit wag kalimutan ang mga limitasyon. Dagdag pa niya na ang media ay palaging nasa gitna ng mga usapin.

Pinasalamatan niya ang lahat ng dumalo sa okasyon at ang lahat ng mga bagong halal na opisyales at mga miyembro ng samahan.

Nanumpa sa kanilang tungkulin sina Daniel Castro ng DZJV-Calamba, bilang pangulo; Rommel Madrigal, bilang pangalawang pangulo; Edjun Mariposque, bilang tagapamahala; Madeliene Marasigan, bilang kalihim; Roy Tomandao, bilang Chairman of the Board; at sina Danny Estacio, Nelson Dimapilis, Jeremiah Madrigal, at Shiela Florentino, bilang mga direktor sa harap ng mga myembro at mga bisita.

Nagpapasalamat ang CVLPC kay Lt. Col. Eunice De Guzman, regional police information chief, sa kanyang suporta para sa tagumpay ng makabuluhang kaganapan.

Ang CVLPC ay nasa ika-20 taon na ng kanilang pagkakatatag. Itinatag ito noong 2003. Ang tema nito ngayong taon ay "Dalawang Dekada Na! Makabuluhang Paghahayag ng Impormasyon sa CaLaBarZon."

Binubuo ng grupo ang mga kinatawan mula sa lokal at nasyonal na print at broadcast media, pati na rin sa mga social media platforms. (Joel Cabactulan)



Comments