Cayetano, nagpasalamat sa panibagong pagtulak ng ‘10k Ayuda’ sa Kongreso

 


Bilang tagapagtaguyod ng 10K Ayuda para sa bawat pamilyang Pilipino mula noong 2021 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, nagpasalamat si Senator Alan Peter Cayetano kay Taguig-Pateros Rep. Ricardo ‘Ading’ Cruz Jr. sa paghain ng counterpart measure nito sa Kongreso bago matapos ang sesyon nitong nakaraang Marso.

“Ako’y nagpapasalamat kay Cong. Ading at sa mga sumusuporta sa 10K Ayuda Bill,” wika ni Cayetano sa ang reporters kahapon, April 3, 2023, pagkatapos ng pagbubukas ng “The Life of Christ” reflection site sa siyudad ng Taguig.

Sinabi ito ni Cayetano matapos ihain ni Cruz noong March 22 ang House Bill No. 07698 o ang “Act providing P10,000 cash assistance to all Filipino families to help them cope with the effects of the current coronavirus pandemic and the increasing prices of goods and services, and for other purposes” sa House of Representatives.

Unang inihain ni Cayetano ang 10K Ayuda Bill (House Bill No. 8597) sa 18th Congress kasama ng kanyang asawa, ang dating Taguig first district Rep. Lani Cayetano, upang bigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng tulong sa kanilang panggastos sa pamamagitan ng one-time cash assistance na P10,000, o P1,500 sa bawat miyembro ng pamilya, alinman ang mas mataas.

Hindi isinama ng 18th Congress ang panukalang ito sa Bayanihan 3 COVID-19 package. Nang manalo si Cayetano sa Senado nitong 2022, agad niyang inihain sa 19th Congress ang Senate Bill No. 62 o ang Sampung Libong Pag-asa Law na itinutulak ang parehong benepisyo.

Inamin ng senador na may mga pagtutol sa panukalang ito, pero nangako siya na hindi niya titigilan ang pagtutulak sa 10K Ayuda Bill lalo na’t gobyerno at financial cluster nito na mismo ang nagsabi na may budget para dito pero kasalukuyang nakalatag sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

“Alam niyo po hindi tayo marunong mag-give up. Ang gobyerno, Cabinet Secretary, at finance cluster na mismo ang nagsabi na hindi nila gusto y'ung 10K para sa lahat. Pero inamin nila na may pera para sa 10K except daw na ang iba ay nasa DSWD, DOH, at DOLE nilagay,” sabi ni Cayetano.

“Ako kasi ang pananaw ko kapag tinanong mo sa tao, hirap silang makuha ito kasi kung wala kang kilala, walang programa, o walang mass na payout, hindi ka basta nakakasama,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Cayetano na anuman ang kalalabasan ng 10K Ayuda bills na ngayon ay nakabinbin sa Kongreso at Senado, patuloy pa rin niyang tutulungan ang mga nangangailangang pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng Sampung Libong Pag-asa program na sa tulong ng mga pribadong donor ay nakapagbibigay ng tulong sa mga piling beneficiaries sa buong bansa.

“I will not stop from finding a way na y'ung mga nangangailangan ay makakuha ng tulong. Ang ginagawa namin ngayon, both from private and public funds, is nakatutok kami sa sobrang mga nangangailangan,” sabi niya.

Aniya, nakatulong na ang programa sa libu-libong nangangailangang Pilipino sa pamamagitan ng medical assistance at pagbibigay ng puhunan para sa mga nais magsimula ng maliit na negosyo.

“Halimbawa y'ung mga medical assistance na kailangan – whether that's 10K or bigger, and secondly doon sa opportunity, sa small businesses, karinderya, parlor, sari-sari store, y'ung mga tinamaan ng pandemic na masisipag. Hindi sila tamad pero talagang naubos lang [ang pera],” paliwanag niya.

“In our own private capacity, we will help them. I thank those who are quietly or not so quietly supporting it. Remember it's not the amount, it's the opportunity,” dagdag ng senador.

Sinabi ni Cayetano na talagang malaking tulong sa mga Pilipinong gustong magtayo ng negosyo ang pagbibigay ng kapital upang tulungan silang makapagsimula o panatilihin ang kanilang maliliit na negosyo sa matagalan.

“Y'ung 4Ps halimbawa, P100 billion a year y'un, nakakatulong din iyon. Pero sa akin, kapag binigay mo monthly ay isang libo o dalawang libo, talagang mapupunta lang iyon sa bigas at kaunting ulam. Pero kapag binigay mo ng isang bigayan na P5,000, P10,000, o P20,000, maghahanapbuhay ang tao. Ito ang pinaghuhugutan ko na magbigay ng mas malaki kasi maraming gustong mag negosyo ngayon, wala lang kapital,” sabi niya.

Ibinahagi rin niya ang pahayag ng mga ordinaryong tao sa bansa na mas humihiling ng tulong kapital kaysa sa mga seminar na nagtuturo kung paano magnegosyo.

“It’s true na hindi ka pwede magnegosyo na kapital lang at walang skill or knowledge. Pero sa totoo lang, sa dami ng magagaling at tumutulong, nagme-mentor, nagse-seminar, ang kailangan na ng tao ngayon ay kapital… It's really capital for small businesses, money for opportunity,” aniya. ###

Comments