Mga volunteer pinarangalan sa Sampung Libong Pag-asa program ni Cayetano



Kinilala ni Senador Alan Peter Cayetano nitong linggo ang mga community at youth volunteer sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng tulong mula sa kanyang Sampung Libong Pag-Asa program na ipinalabas noong June 14, 2023..

Tampok sa espesyal na episode ang 50 beneficiaries, kung saan 14 ay mga fire brigade volunteer, 13 ay mga security guard, at dalawa ay mga youth volunteer na patuloy na naglilingkod sa kanilang mga pamayanan kahit walang regular na suweldo.


“Whether or not may income, ‘pag may sunog o may kailangan bantayan, y’ung youth ministries natin, y’ung community volunteers, nandoon sila,” pahayag ni Cayetano. 

Ang napiling mga beneficiary ay tumanggap ng tig-P10,000 na cash aid, na ayon sa senador ay hindi lamang “pantawid” kundi “pang-ahon.”


Isa sa mga nakinabang ay ang 40-anyos na security guard na si Jerry Castillo, na nagpasalamat sa programa para sa cash assistance na naging instrumento para sa kanyang “kalayaan” mula sa problemang pinansyal.

Si Ruben Obidos, isang fourth year college student na boluntaryong nagtuturo ng Bibliya sa mga batang lansangan, ay nagbahagi rin ng kanyang “kwento ng kalayaan.”

“Y’ung maging blessing po tayo sa iba, y’un po ang para sa akin ay kalayaan ko,” aniya.

Nagpasalamat siya kay Cayetano para sa natanggap na tulong, na para sa kanya ay isang "malaking biyaya."

“Malaking tulong po iyon lalo na sa aming mga youth volunteers na magagamit namin para sa mga [tinuturuan] po naming mga kabataan,” ani Obidos.

Hinikayat naman ng asawa ni Cayetano na si City of Taguig Mayor Lani ang mga beneficiary na gamitin sa tama ang pera at palaguin ito.

“Napakahalaga na makikita ng may mga magagandang loob na kung sino ang binigyan ay pinagyayaman,” aniya.

“Nagtitiwala po kami sa inyo so we challenge you, pagtiwalaan po ninyo ang mga sarili ninyo. Magtatagumpay kayo sa awa at biyaya ng Panginoon,” dagdag niya.

Sinimulan ni Senador Alan ang SLP program noong 2021 kasabay ng 10K Ayuda Bill na inihain niya sa House of Representatives na may layuning mabigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng P10,000 na cash aid habang bumabangon mula sa epekto sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic.

Nabigo ang 18th Congress na isama ang panukala sa Bayanihan 3 COVID-19 package. Ngunit nang makabalik siya sa Senado noong 19th Congress noong 2022, inihain ni Cayetano ang panukalang Sampung Libong Pag-asa Law na naglalayong magbigay ng katulad na benepisyo.###

Comments