Cayetano, nanawagan sa mga ahensya ng gobyerno na aksyunan ang rice smuggling

 


Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa mga ahensya ng gobyerno, partikular na ang Department of Justice (DOJ), na aksyunan at tuldukan na ang pagpupuslit ng bigas sa bansa kasunod ng malakas na babala ng Pangulo laban sa smugglers sa kanyang State of the Nation Address noong nakaraang buwan.

“Ginawa na ito (strong warning) ni Pangulong Marcos during the SONA. ‘Di ba sinabi niya, ‘Bilang na ang araw niyong mga smugglers,’” wika ni Cayetano sa isang media interview noong August 7.

Tinalakay ng independent senator ang issue sa konteksto ng West Philippine Sea, dahil aniya ang pagpalakas ng ekonomiya ng bansa ay magpapalakas din sa ating pakikipag-usap sa China.

“The point is that agriculture has a domino effect. Kung maayos natin yung domino, maayos natin ang agriculture, more people will have jobs in the country, hindi na kailangang mag-abroad, mas maraming taong magkakatrabaho, bababa ang presyo, lalaki ang kita. Pero while may problema tayo sa agriculture, baligtad yung domino effect sa atin, one problem to another, to another,” wika niya.

“So while we're dealing with the West Philippine Sea, while we're dealing with many, many problems, while we're recovering from the pandemic, ano ba ang nangyari?... ‘Pag tumaas ang inflation at nagmahal ang bigas, I am concerned not only na magugutom ang tao, pero magkakaroon din ng political instability, magkakaroon din ng domino effect sa malnutrition,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, isang salita lang ang kailangan para matugunan ang problema: Kailangang aniyang gawin ang “lahat."

"So, number one, strong language (labans a smugglers), continue strong language and of course action by the DOJ,” wika niya. Mahalaga rin aniya na malaman ng mga rice smuggler na seryoso ang gobyerno sa paghabol sa kanila at pagdala sa kanila sa hustisya.

Pangalawa, ayon kay Cayetano, dapat may "contingency plan” ang gobyerno kung patuloy na tumaas ang presyo ng bigas. “May listahan naman ang DSWD (Department of Social Welfare and Development). They're testing itong food stamps, 'di ba? Mayroon tayong 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program),” aniya.

Pangatlo, dapat bigyan ng gobyerno ng sapat na suporta ang mga magsasaka. Ang isa sa mga pangunahing paraan, aniya, ay ang gawing moderno ang agrikultura sa bansa gamit ang teknolohiya.

Isinalaysay niya ang isang byahe niya sa China noong 2016 kung saan ipinakita sa kanya kung paano ginagamit ang mga programmable drone sa pag-spray ng mga pesticides sa mga sakahan.

"Kailangan talaga complete modernization. We need to completely change… we have to change the way we think about agriculture,” wika ni Cayetano.

Dagdag niya, dapat dagdagan ang budget sa irrigation at farm-to-market roads at pag-aralan ang mga alternatibo sa fertilizers.

Sinabi rin ni Cayetano na dapat suportahan ang mga magsasaka sa paglipat sa agri-business para ma-engganyo ang kanilang mga anak at iba pang kabataan na pumasok sa industriya ng agrikultura.

“Ang mga pumapasok sa farming ngayon 'di ba mga mayayaman? Y'ung mga nakikilala natin na may pera, may puhunan, sobrang na-in love sa farming. Pero ang mga anak ng farmers are taking all other courses except farming, except agriculture,” wika niya.

“We should give the support to the farmers na hindi lang sila farmers, agri-biz na dapat talaga,” dagdag niya.###

Comments