Cayetano, nais patibayin ang depensa ng bansa laban sa viral diseases

 


Upang patibayin ang depensa ng bansa laban sa mga viral na sakit, isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang isang dedicated research laboratory para sa virology studies  at vaccine development ng bansa.

 

Nakapaloob ang inisyatibo na ito ng independent senator sa Senate Bill No. 941 o mas kilala bilang An Act Establishing the Virology and Vaccine Institute of the Philippines.

 

Magdaraos ng unang public hearing sa mungkahi ang subcommittee ng Senate Science and Technology Committee na Virology Institute of the Philippines o VIP sa darating na April 24, 2024.

 

Bilang chairperson ng committee, itinataguyod ni Cayetano ang pagpapalakas ng depensa ng bansa laban sa mga viral na sakit na nakakaapekto sa mga tao, hayop, at halaman.

 

“The entire government must, and will, act quickly to address the public health and economic crisis that threatens the lives and livelihood of our kababayan,” aniya.

 

Bagaman ang Research Institute for Tropical Medicine o RITM ay kasalukuyang nakatutok sa iba't ibang uri ng tropical diseases, kabilang ang mga virus, binigyang-diin ni Cayetano na mas papahusayin ng VIP bill ang mga pananaliksik at kasanayan para sa pag aaral ng mga virus. 

 

“In the event of emergencies, this will also be a handy tool that can be essential in saving lives," wika niya.

 

Sakaling maisabatas ang VIP bill, mapapalakas nito ang kakayahan ng bansa na magsagawa ng masusing pananaliksik sa mga new, emerging, at recurring viral diseases. Magbibigay ito ng daan sa bansa upang makagawa ng sariling mga bakuna.

 

Noong 2020, nabigyang-pansin ang kahalagahan ng masusing pag-aaral at pagpapabuti sa virology dahil sa SARS-CoV-2, isang klase ng coronavirus. Dahil dito, nagsimula ang 18th Congress na siyasatin ang VIP bill.


Sa darating na Miyerkules, tatalakayin ang mga probisyon na inilahad ng Department of Science and Technology o DOST na nagpapalakas sa pagsasagawa virology studies at ang  posibleng ugnayan sa iba pang mga laboratorio at kaugnay na institusyon.###

Comments