Heads up, mga lolo at lola! Gusto ni Cayetano na magtayo ng wellness hubs para sa inyo

 



Upang ipakita ang pagpapahalaga at pagmamahal sa mga senior citizen, hinahangad ni Senator Alan Peter Cayetano na maipasa ang isang batas na magbibigay ng holistic space para sa kapakanan ng ating mga lolo at lola sa buong bansa.


Nais niyang maitatag ang pasilidad na ito sa bawat lungsod at munisipalidad sa pamamagitan ng Senate Bill No. 69 o ang Center for the Elderly in All Cities and Municipalities Act.


Sa panukalang ito, hangad ni Cayetano ang pagtatag ng mga wellness hub sa buong bansa na mayroong basic health services at mga activity area na angkop para sa mga matatanda.


Kabilang dito ang sapat na espasyo para sa indoor activities at mga open space at mga lugar ng hardin para sa outdoor activities. 


Nasa plano ding kumuha ng mga tauhan tulad ng doktor, nurse, at dalawang barangay health worker upang magikot ng tatlong duty at magbigay serbisyo sa mga hub na ito.


Aniya, isang paraan ito upang mapangalagaan ng bansa ang mga matatanda. Kasabay nito ang pagkilala na mayroon pa rin silang mahalagang papel sa ating buhay.


“Ang kultura, pananamit, music, pagsayaw, ay nagbabago. Pero sa ating kultura, nagbabago ba ang magandang ugali, y’ung pagrespeto sa matatanda?” sabi ng independent na senator.


“Malaki ang role ng senior citizens na hubugin ang ating bukas. Sana po ‘wag niyong maliitin at ipagkait ang kanilang role as seniors na gumabay, magbigay pangaral, yakapin, at disiplinahin ang ating kabataan,” dagdag niya.


Dahil sa ang tagumpay ng Taguig Center for Wellness Hub for Seniors - ang pinakaunang wellness hub sa bansa - sabi ng senador na kakayanin itong gawin din sa buong bansa.


“Ito pong Taguig Center for the Elderly, mayroon po iyang water pool therapy para sa mga na-stroke, sauna, activity area para sa mga gustong ballroom, tapos inaayos pa nating magkaroon ng dialysis center,” paliwanag ni Cayetano.


“With the introduction of the Taguig City Center for Elderly model, the national government’s agenda to promote inclusivity, fairness, and good governance will further be advanced,” sulat pa niya sa explanatory note ng panukala. 


Diringgin ng Senado sa April 24 (Miyerkules) bandang 2 p.m. itong panukala ni Cayetano sa ilalim ng Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development. Antabayan lamang ang mga update tungkol sa panukalang ito. ###

Comments