Calamba, Laguna - Nagbigay ng orientation ang Information, Investment Promotions, and Employment Services Office (IIPESO), Department of Labor and Employment (DOLE) Laguna, at Pamahalaang Panlungsod ng Calamba sa pamumuno ni Mayor Roseller H. Rizal para sa 1,500 na mga estudyanteng beneficiaries sa Special Program for Employment of Students (SPES) ngayong araw, June 10, 2024.
Layunin nito na mabigyan ng gabay ang mga estudyante mula sa iba't ibang paaralan at unibersidad na sasabak sa dalawampung araw na mag tatrabaho sa gobyerno.
Nagpasalamat si Mayor Roseller H. Rizal sa lahat ng dumalo sa nasabing okasyon. Pinasalamatan niya ang DOLE Laguna, mga city councilors na sila Atty. Pursing Oruga, Atty. Gerard Teruel, Arvin Manguiat, ABC President Pio Dimapilis, SK Federation President Rally Bustria, maging sa mga Barangay Chairman na dumalo sa okasyon.
Ayon kay Mayor Ross Rizal, ang bawat estudyante ay tatanggap ng mahigit kumulang Php 11,900.00 na paghatian ng Calamba LGU at ng DOLE. Dadagdagan pa ng tig-Php 1,000.00 pang allowance ang lahat ng SPES beneficiaries bilang dagdag sa kanilang pamasahe.
Masaya ding ibinalita ni Mayor Rizal ang pangalawang taon na pagbibigay ng bag na kumpleto ng school supplies at tatlong uniforms para sa lahat ng estudyante sa Day Care centers, Pre elementary hanggang senior high schools sa mga public schools, para sa mahigit 120,000 na mga estudyante.
Ayon naman kay Ms. Noemi Talatala, Department Head ng IIPESO, "Sa 1,500 na kabataang magtatrabaho, 230 ay sagot ng DOLE. Meaning, 60% ng kanilang sahod ay manggagaling sa DOLE, at 40% naman ay manggagaling sa Calamba LGU. Ang 1,270 estudyante naman ay papaswelduhin ng city government sa ilalim ng Special Program for Employment ni Mayor Rizal. Actually, last year ay 1,200 lang, ngayon po ay nagdagdag si Mayor para mas maraming estudyante ang makinabang sa ating SPES program," wika ni Ms. Talatala.
Nagbigay din ng mensahe ang DOLE Laguna sa katauhan ni Ms Daisy Ramos, Supervising Labor Officer. Pinasalamatan niya si Mayor Ross Rizal sa pagbigay trabaho ng mga estudyante upang makatulong sa kanilang pamilya sa mga gastusin para sa kanilang pag aaral sa susunod na pasukan.
Ayon sa Republic Act No. 7323, na kilala bilang "Special Program for Employment of Students," na binago ng Republic Act No. 9547 at 10917, ito ay isang inisyatiba ng gobyerno na naglalayong magbigay ng pansamantalang mga oportunidad sa trabaho para sa mga estudyanteng may kahirapan sa pinansyal upang sila'y manatili sa paaralan at matapos ang kanilang edukasyon. Ang programa ay nagbibigay-daan para sa mga estudyante na makapagtrabaho at gawing produktibo ang kanilang bakasyon sa paaralan. Layunin nitong tulungan ang mga estudyante na kumita ng karagdagang kita para suportahan ang kanilang mga gastusin sa edukasyon habang nakakakuha ng mahalagang karanasan sa trabaho sa iba't ibang industriya at ahensya.(Joel Cabactulan)
Comments
Post a Comment