Talk less’: Cayetano, handang makinig sa credit management pros

 


Ginulat ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga miyembro ng Credit Management Association of the Philippines o CMAP nitong Lunes nang agad niyang tapusin ang kanyang talumpati upang aniya’y bigyang-daan ang mas marami pang diskusyon.


"I will start today by listening more and talking less,” wika ni Cayetano sa kanyang talumpati sa first general membership meeting at induction ceremony ng CMAP nitong June 24, 2024.



Sa kanyang limang minutong talumpati, direktang tinugunan ng Senate Committee Chair on Trade and Industry ang mga mahahalagang isyu at hinimok ang mga credit professionals na bigyang prayoridad ang tamang pamamaraan sa proseso ng kanilang trabaho.


Inihalintulad ni Cayetano ang pamamaraang ito sa pagpapanatili ng isang "healthy diet" at nagbigay ng babala laban sa mga hadlang na maaaring makasagabal sa pagkamit nito. 


Ipinahayag din ng senador na kung susunod ang bawat miyembro sa tamang paraan ng paglilingkod sa kanilang sektor, magbubunga ito ng magandang resulta para sa buong industriya.


“Sa negosyo, sa buhay, kung uunahin mo yung taba, yung matamis, o masarap, malulugi negosyo mo,” wika niya.


“Pero minsan, if we search for vegetables, low-lying fruits, we will have a healthy economy,” dagdag niya.


Naglaan din siya ng sandali upang batiin ang mga bagong halal na officers ng CMAP board, kasama na sina CMAP President Juancho Magpantay at Vice President Jezreel Pimentel, pati na rin ang mga bagong hinirang na trustees at mga miyembro.


Tiniyak ni Cayetano na tutuparin niya ang kanyang pangako na “proactive engagement” sa pagitan ng asosasyon at Senate Committee on Trade and Industry. 


Ayon pa sa senador, isa sa kanyang mga layunin ang tulungan ang CMAP na isulong ang innovation at good governance.


"One thing has to change, [and that is] to really listen to you, get to know you more, have more faith in you rather than [solely] in ourselves and our agenda,” wika niya.


Binigyang-diin din ni Cayetano kahalagahan ng pananampalataya at pagtitiwala,sa pamamagitan ng tamang pakikinig. Ayon sa kanya,mahahalagang instrumento ang mga ito upang mapalakas ang industriya.


“Whether we discuss banking, lending, finance, or other services, your common denominator is 'credit.' There can be no 'credit' without faith," aniya.


​​"Faith has to come into action. So the more we know our customer, the more faith we have," dagdag niya.###

Comments