NAGCARLAN, LAGUNA-Makaraan ang mahigit na 30 taong paghihintay kaugnay sa patuloy na ipinaglalaban ng mga magsasaka sa lalawigan ng Laguna ay ipinagkaloob ng pamunuan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang halos 65 mga titulo o Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) sa bayan ng Nagcarlan kahapon. Sinaksihan ito ni Undersecretary Bernie Cruz ng DAR, mga lokal na opisyal, pamunuan ng Agrarian Reform sa Calabarzon, at ng Land Bank of the Philippines. Kabilang aniya ito ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng DAR sa buong bansa para matulungan ang maliliit na magsasaka. Ayon kay Cruz, dapat lamang aniya nila itong ingatan at pagyamanin para maging kapaki-pakinabang sa kanilang mga pamilya. "Huwag ibenta o isanla ang nasabing lupa." Yan ang mariing ipinaalala sa lahat habang hindi pa aniya ito bayad. At makalipas ang 10 taon ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas kung saan dadaan pa rin ito sa tamang proseso. Ayon sa talaan ng DAR, umaabot sa 43.3887 ektarya ng lupang sakahan ang ipinagkaloob sa may 65 bilang ng mga beneficiaries na nagmula pa sa bayan ng Nagcarlan 36, Kalayaan 1, Sta. Cruz 3, Sta. Maria 2,Alaminos 1 Magdalena 9 at sa lungsod ng Calamba ay 13. Ipinaabot din ni Cruz sa lahat ng mga magsasaka na magtanim ng gulay sa tamang panahon para hindi na maulit pa ang nangyari sa bayan ng Kalayaan, Laguna matapos matambak at halos hindi na mabenta ang sobrang ani ng kamatis. Samantalang nagpaabot naman ng kanilang pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pamunuan ng DAR ang tatlo sa 65 Beneficiaries na sila Bgy. Kagawad Victoria Urriza, Mary Velina at David Lizardo. Makaraan ang mahigit 30 taon na pakikipaglaban ng mga ito at ang mahabang paghihintay dahil nasa kanila ng pag-aari ang lupa nilang sinasaka.(Kevin Pamatmat)
Comments
Post a Comment