Cayetano sa gobyerno: Itakda ang WPS strategy ng Pilipinas

Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano  ang gobyerno ng Pilipinas na magtakda ng isang malinaw na  istratehiya sa West Philippine Sea para sa pagpapanatili ng teritoryal na karapatan ng bansa sa pinagtatalunang karagatan.


Sa isang manipestasyon sa pagdinig ng kumpirmasyon ng ad-interim appointment ng limampung (50) General at Flag Officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ni Cayetano na kulang sa malinaw na estratehiya ang bansa dahil nagbabago ito sa bawat bagong administrasyon.

“Kung gusto ng isang presidenteng sobra-sobrang pro-China, gusto ng isa sobra-sobrang anti-China, gusto ng isa sobra-sobrang pro-US, y’ung isa anti-US, ay parang pwede sa ating bansa,” wika niya.

“If every administration iba ang strategy natin, that’s a recipe for failure,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano sa halip na ang chief advisory unit lang ng Pangulo ang gagawa at magpatupad ng estratehiya, dapat ay patuloy na maging kritikal sa kanilang pag-iisip ang mga pinuno ng militar at isali ang kanilang mga sarili, kasama ang mga diplomat ng bansa, sa proseso ng paggawa ng desisyon.

“Yes, they have to follow orders kung ano ang strategy na inilahad ng commander-in-chief, [however] in other countries, the military establishment is so strong that the swing of the [command] ng Pangulo sa strategy is also limited. Sa atin, parang unlimited,” wika niya.

Sinabi ni Cayetano, na nagsilbi bilang Foreign Affairs Secretary mula 2017 hanggang 2018, na makakatulong din kung gagawa ang bansa ng pangmatagalang plano na magsisilbing blueprint sa susunod na isang daan o kahit isang libong taon.

“When I was in the DFA, I kept on telling our people in the DFA to stop complaining na ang China may one-hundred (100) year plan at one-thousand (1,000) year plan and [Instead] start making the Philippine one-hundred (100) year plan and the Philippine one-thousand (1,000) year plan,” wika ng independent senator.

“Very, very clear kung ano ang strategy ng China. Very, very clear din kung ano ang strategy ng US, pero very, very unclear kung ano ang strategy natin,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na dapat ding tingnan ng gobyerno ang kasaysayan para makita kung ano ang maaaring mangyari sa bansa kung masangkot ito sa global power struggle kung hindi ito magtatakda ng partikular na pangmatagalang estratehiya.

“I’m very concerned about that kasi we have to look at history. Look what happened sa Cuba when they got in between the US and the USSR, look what happened with Turkey n’ung maglalagay din ng missiles d’un ang US,” wika niya.

Bagama't binigyang-diin ni Cayetano na hindi dapat ilahad ng gobyerno ang estratehiya nito sa publiko, kailangan aniyang malaman ng mga tao na mayroon nga itong plano.

“I disagree na ilahad ‘yan in public kasi hindi magandang strategy na pinapakita mo sa katunggali mo ang strategy mo,” sabi niya.

“But kung mismong top level people din sa House at sa Senate ay hindi rin alam for sure kung ano ang strategy natin, eh problema y’un,” dagdag niya.###

Comments