Binigyang-diin ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes na ang e-governance ay hindi tungkol lang sa innovation kundi sa kung paano gagamitin ang digital technology bilang instrumento para maging mas mahusay ang pamamalakad sa bansa.
Sa public hearing na isinagawa ng Senate Committee on Science and Technology tungkol sa mga panukalang batas na nagtutulak sa e-governance, hinimok ni Cayetano ang pamahalaan na pasimplehin ang mga transaksyon sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbuo ng maayos na sistema ng pag-store at pag-access sa mga data na hawak ng gobyerno.
"E-governance is but a tool to the bigger topic which is basically good governance," ani Cayetano, na chairperson ng nasabing komite, sa kanyang pambungad na pananalita.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang senador sa paulit-ulit na prosesong pinagdaraanan ng mga Pilipino tuwing nakikipag-transaksyon sa iba't ibang ahensya at opisina ng gobyerno. Aniya, paulit-ulit ang mga papeles na pareho lang din naman ang impormasyon, at mas mabuting gamitin ang Philippine national ID.
Aniya, marami sa mga Pilipino ang ayaw pa ring mag-apply para sa national ID dahil kakaunti ang benepisyo ng pagkakaroon nito.
“Dapat maging parang private sector tayo na kapag hindi ka nabenta, sarado ka. So you keep innovating on how you can make it better,” wika ni Cayetano.
“Ang problema kasi people look at it as an additional burden. Meron na [silang] postal ID, may SSS, passport, bakit pa sila kailangang kumuha (ng national ID)? Pero kapag beneficial sa tao, kahit optional, kukunin [nila] y’un,” dagdag niya.
*Interconnectivity*
Sinang-ayunan naman ni Undersecretary David Almirol ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang puna ng senador, at sinabing ang kawalan ng “interconnectedness” sa gobyerno ng Pilipinas ang pangunahing dahilan sa mga matagal nang problema sa mga opisina ng gobyerno.
Aniya, kasalukuyang tinatrabaho ng DICT ang pagpapatupad ng mga flagship program nito, na pangunahing tumutugon sa kawalan ng interconnectivity ng mga local government unit at mga ahensya. Kasama sa mga programang ito ang e-LGU, e-Travel, e-GovPay, at eGovCloud.
“Ang mga ahensya ay kailangang nag-uusap. Ang nangyayari kasi noon, hindi nag-uusap-usap kaya paulit-ulit,” pahayag ni Almirol.
Sinabi naman ni Cayetano na layunin ng Komite na gumawa ng batas na magbibigay sa DICT ng tamang platform para sa e-governance, kasabay ng “pushing the right buttons" upang maisakatuparan ito.
Pagsang-ayon naman ni Almirol, ang kawalan ng e-governance ay nagresulta sa isang magulong sistema ng impormasyon. “I think kailangan ng matibay na batas talaga para maimplement siya,” aniya.
*Cybersecurity*
Bilang tugon naman sa usapin ng cybersecurity, iminungkahi ni Cayetano na isailalim sa inspeksyon ang mga electronic product na pumapasok sa bansa upang mahuli ang mga mapanirang software kung mayroon man.
Hinimok niya ang DICT at ang Department of Science and Technology (DOST) na magkaroon ng independent at scientific inspection sa lahat ng equipment at telecommunications hardware na bibilhin ng gobyerno at dadalhin sa bansa bilang seguridad laban sa espionage.
“Baka you (DICT) can work this out with ARTA (Anti-Red Tape Authority) because we want to prevent red tape but we also want security. At ayaw rin naman [natin] na may security ka pero isang taon bago mo ma-install lahat ‘yan,” pahayag ni Cayetano.
Paglilinaw niya, walang inaakusahan ang gobyerno ng Pilipinas pero kailangan nitong maging maingat dahil ang espionage ay matagal nang problema sa buong mundo.
"We know for a fact that around the world, espionage since the beginning of time has been used to fight not only actual wars but also trade wars," aniya tungkol sa ilang mga Chinese company na sinasabing naglalagay ng malware sa mga gadget.
Sinabi ni Cayetano na sa mga susunod na pagdinig, tatalakayin ng Komite ang panukalang gawing “Smart Philippines” ang bansa bilang paradigm para sa e-governance.
[We] ask God to guide us to the original design [of our society] which is good governance and enjoying the world created for us wherein no one is left behind in the Philippines,” aniya.###
Comments
Post a Comment