MGA TULONG NI PBBM SA MGA APEKTADO NG EL NINO, PINURI NI LAPID

 


PINURI  ni Supremo Senador Lito Lapid ang mabilis na tugon ng pamahalaang Marcos sa epekto ng El Nino phenomenon sa bansa.


Ito’y sa gitna ng ulat ng PAG-ASA na posibleng umabot pa ang epekto ng El Niño hanggang sa Agosto ng taong kasalukuyan, base sa pagtaya ng DOST.



Giit ni Lapid na agad natugunan ng gobyerno ang patuloy na epekto ng matinding tag-init dahil naseguro ang sapat na suplay ng pagkain at naibsan ang pinsala sa lokal na ekonomiya.



Tinukoy ni Lapid ang naibigay na tulong pangkabuhayan ng pamahalaang Marcos sa mga apektadong magsasaka at mangingisda. 



Kasama rito ang halagang P1.4 billion na inilaan ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa  Local Adaptation to Water Access (Project Lawa) at Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished (Project BINHI).


Nakapaloob sa dalawang programa ang pagbibigay ng  Learning and Development Sessions (LDS) on Climate Change Adaptation and Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR), cash-for-work (CFW) at cash-for-training (CFT) sa mga magsasaka at mangingisdang nasapol ng tag-tuyot.


“Ang nasabing mga programa ng Pangulong BBM ay malaking tulong para sa mga komunidad na apektado ng El Nino para maibsan ang epekto sa kanilang kabuhayan at matiyak na hindi magugutom ang mga ito,” diin ni Lapid. 


Suportado rin ni Lapid ang pagtugon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. kontra sa epekto ng El Nino.


Kabilang na rito ang cloud-seeding, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng irrigation canals,  pamamahagi ng mga alagang hayop, paggamit ng low-water use technology at iba pang tulong pangkabuhayan sa mga magsasaka at mangingisda.


Sa report ng Department of Agriculture-Task Force El.Niño, as of April 5, 2024, pumalo na sa higit P2.63-B  ang halaga ng pinsalang dulot ng El Nino sa agrikultura.


Sa datos naman ng NDRRMC, higit sa 54,200 magsasaka at mangingisda ang apektado ng matinding tag-tuyot.


Habang nasa higit 53,879  hektarya ng mga pananim ang napinsala  sa sampung rehiyon sa bansa.


Pinakamataas na nasira ang agrikultura sa  Western Visayas region, sumunod ang Luzon Island at Zamboanga Peninsula.


Sa Negros Occidental, naitala sa P97,788,037 ang pinsala ng tag-tuyot sa 135 barangay at nasa 2,585 magsasaka ang apektado ng El Nino.


Nasa 17 lugar na ang nagdeklara ng  state of calamity na apektado ang may 84,731  pamilya o 416,820 katao. END

Comments