Bagong Commander ng 2nd Infantry Division, Inilahad ang 'SECURE' Leadership Focus

 



TANAY, Rizal – Ipinahayag ni Major Gen Arsenio DC Sadural PA, bagong Commander ng 2nd Infantry Division ang kanyang matatag na pananaw at estratehikong direksyon sa pamumuno, kasabay ng kanyang panunumpa sa tungkulin sa panahon ng mahalagang transisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa internal security tungo sa external security operations.


Sa kanyang talumpati, ibinahagi niya na sa nakalipas na mga buwan ay matagumpay niyang natapos ang pagtugon sa lahat ng natukoy na banta sa kanyang naunang assignment, na naging malaking ambag sa deklarasyon ng matatag na kapayapaan at seguridad sa nasasakupang lugar.


Makalipas ang limang buwan, itinalaga siya sa General Headquarters bilang Deputy Chief of Staff for Education and Training (J8). Matapos ang anim na buwang panunungkulan sa naturang posisyon, muli siyang humarap sa hanay ng mga sundalo upang pamunuan ang 2nd Infantry Division.


Ayon sa kanya, ang lugar na kanyang kinatatayuan ay sumasalamin sa kultura ng serbisyo, disiplina, at kahusayan na hindi lamang mga salita kundi isang paraan ng pamumuhay—ang "Gallant Fighters' Way of Life."


Naniniwala rin ang opisyal na ang kanyang paglipat sa bagong tungkulin bago pa man ganap na maisakatuparan ang lahat ng kanyang mga layunin sa mga naunang assignment ay bahagi ng plano ng Diyos upang ihanda siya sa mas mataas na antas ng pananagutan at inaasahan.


"Indeed, Almighty God is our Great Planner who unfolds His plans in His rightful time. To God be all the glory," aniya.


Binigyang-diin din niya na isang malaking karangalan at hamon ang pamunuan ang 2nd Infantry Division sa panahong nahaharap ang bansa sa iba't ibang hamon sa pambansang seguridad. Aniya, iilan lamang ang nabibigyan ng pagkakataong mamuno sa ganitong mahalagang yunit ng AFP.


Bilang gabay sa kanyang panunungkulan, ibinahagi niya ang paborito niyang kasabihan:


"I shall pass this way but once. Any good that I can do, let me do it now, for I shall not pass this way again."


Kasabay nito, inilatag niya ang kanyang strategic leadership focus na tinawag na SECURE, isang acronym na nakaayon sa direksyon ng Higher Headquarters at sumasagisag sa layuning gawing ligtas at matatag ang kapayapaan at seguridad sa lahat ng nasasakupan ng 2nd Infantry Division.(Pau Mojar)

Comments