Content Creator at Cancer Patient na si Axel Ford De Guzman, Ibinahagi ang Kanyang Testimonya sa Pagbubukas ng Tarlac Chemotherapy Center
TARLAC CITY – Nagbahagi ng kanyang makabagbag-damdaming karanasan ang content creator at cancer patient na si Axel Ford De Guzman sa pormal na pagbubukas ng Tarlac Chemotherapy Center, isang pasilidad na naglalayong magbigay ng libreng chemotherapy treatment sa mga pasyenteng may kanser.
Sa kanyang testimonya, ikinuwento ni De Guzman ang matinding pagsubok na kanyang pinagdaanan mula nang siya ay ma-diagnose na may cancer. Ayon sa kanya, isa sa pinakamahirap na laban ng isang tao ang magkaroon ng sakit na cancer dahil bukod sa matitinding side effects ng mga gamot, lalo na ng oral therapy, ay napakalaki rin ng gastusin sa pagpapagamot.
Aniya, malaking hamon din ang gastos sa transportasyon at ang napakaraming dokumento at requirements upang makakuha ng financial assistance at guarantee letter para sa chemotherapy. Dahil dito, maraming pasyente ang nawawalan ng pag-asa, lalo na ang mga kailangang bumiyahe nang malayo upang makapagpagamot.
Ibinahagi rin ni De Guzman na higit pang naging mabigat ang kanilang sitwasyon dahil dalawa silang may cancer sa kanilang pamilya—siya at ang kanyang lolo. Aniya, hindi matatawaran ang sakripisyong ginagawa ng kanilang pamilya upang maipagpatuloy ang kanilang gamutan.
Nagpahayag naman siya ng taos-pusong pasasalamat sa pagbubukas ng Tarlac Chemotherapy Center. Aniya, malaking ginhawa ito para sa mga cancer patient dahil hindi na nila kailangang pumila upang humingi ng guarantee letter para sa kanilang chemotherapy. Dagdag pa niya, malaking tulong ang pagkakaroon ng libreng chemotherapy at libreng gamot na maaari nang makuha sa nasabing pasilidad.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni De Guzman ang mga kapwa cancer patients na huwag mawalan ng pag-asa at ipagpatuloy ang kanilang laban, kasabay ng pasasalamat sa mga programang nagbibigay ng libreng serbisyong medikal para sa mga nangangailangan. Ulat ni Joel Cabactulan
#rondabalitapilipinas




Comments
Post a Comment